Sa layong mapalawak ang kamalayan ng publiko ukol sa tamang pamamahala ng nagamit na tubig o ‘wastewater’, nagtungo ang Manila Water sa lokal na pamahalaan ng Antipolo upang ibahagi ang adbokasiyang Toka Toka, ang una at natatanging programang nakatuon sa pamamahala ng nagamit na tubig sa bansa.
Higit 4,000 ang nakilahok sa programa kung saan ipinagdiwang din ng lokal na pamahaalan ng Antipolo ang “Employees’ Month and Civil Service Month” na may temang “One Day, Fun Day”.
Nagpasalamat naman si Manila Water Advocacy Manager Claudine Siao bilang kinatawan ng silangang konsesyunaryo sa tiwala at patuloy na pagtangkilik ng lokal na pamahalaan ng Antipolo sa adbokasiyang Toka Toka. Dagdag pa ni Siao, malaking bahagi ang tulong ng Antipolo LGU na masiguro ang patuloy na pangangalaga ng kapaligiran, kabilang na dito ang pagpapasipsip ng posonegro, paglilinis ng daluyan ng tubig, ilog at creek, gayundin ang iba’t ibang aktibidad ukol sa pagpapahalaga ng ating likas na yaman at kapaligiran.
Sa ilalim ng adbokasiyang Toka Toka, hinihikayat ng Manila Water ang iba’t ibang organisasyon at indibidwal na makilahok sa pamamagitan ng pagsunod sa apat na payak na gawain o tungkulin na kinabibilangan ng tamang pagtatapon ng basura, pagpapasipsip ng poso negro, pagkonekta sa sewer line ng Manila Water, at aktibong pakiisa sa mga talakayan hinggil sa halaga ng tamang pamamahala ng nagamit na tubig. #(MWC Corporate Communications)