Nagpaalala ang Department of Labor and Employment sa mga employer sa pribadong sektor ng tamang pasuweldo sa kanilang mga manggagawa na magtatrabaho sa mga idineklarang holiday sa buwan ng Agosto.
Kasunod ng Proclamation No. 555, s. 2018 at No.789, s.2019, na nagdedeklara sa Agosto 12 at 26 bilang mga regular holiday para sa paggunita ng Eid’l Adha at National Heroes Day, at ng Agosto 21 bilang special non-working holiday para sa pag-alala sa pagkamatay ni Ninoy Aquino, nag-isyu si Labor Secretary Silvestre Bello III ng isang labor advisory na nagtatakda ng tamang panuntunan sa pagpapasuweldo para sa mga nasabing holidays.
Nagpaalala si Bello sa mga employer na sundin ang mga sumusunod na formula sa pagkalkula ng sahod ng mga manggagawa para sa Agosto 12 at 26 – regular holidays:
Kapag ang empleyado ay hindi nagtrabaho, babayaran pa rin siya ng 100 porsiyento ng kanyang suweldo para sa isang araw, gayundin ng kanyang Cost of Living Allowance [(Arawang suweldo + COLA)] x 100%];
Kapag pumasok naman ang empleyado sa trabaho, babayaran siya ng 200 porsiyento ng kanyang suweldo para sa isang araw para sa unang walong oras ng trabaho, gayundin ng kanyang COLA [(Arawang suweldo + COLA) x 200%].
Kapag ang empleyado ay nagtrabaho nang lagpas sa walong oras, babayaran siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang hourly rate (Hourly rate ng arawang suweldo x 200% x 130% x bilang ng oras na tinrabaho).
Ang empleyado naman na nagtrabaho at nataon na ang mga araw na ito ay kanyang day-off o rest day, tatanggap siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod na 200 porsiyento [(Arawang suweldo + COLA) x 200%] + [30% (Arawang suweldo x 200%)];
Habang ang mga manggagawa naman na nagtrabaho ng overtime sa regular holiday na nataon na day-off ng empleyado, tatanggap siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang hourly rate para sa nasabing araw (Hourly rate ng arawang suweldo x 200% x 130% x 130% bilang ng oras na tinrabaho).
Dagdag pa rito, ang mga sumusunod na panuntunan sa pagpapasuweldo ay dapat sundin para sa Agosto 21 – special non-working holiday:
Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, ang patakaran na ‘no work, no pay’ ang dapat gamitin maliban lamang kung may polisiya ang kompanya o collective bargaining agreement (CBA) na nagtatakda ng kabayaran para sa special holidays.
Ang patakaran para sa mga nasabing holidays para sa ginampanang trabaho, dapat bayaran ang empleyado ng karagdagang 30% ng kanyang arawang sahod para sa unang walong oras o [(Arawang Sahod x 130%) + COLA].
Habang ang trabahong ginampanan ng mahigit sa walong oras (overtime), siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho)].
Para sa trabahong ginampanan para sa mga nasabing araw na siya ring araw ng pahinga ng empleado, dapat siyang bayaran ng karagdagang 50% ng kanyang arawang kita para sa unang walong oras, o [(Arawang sahod x 150%) + COLA].
Samantalang para sa trabaho na mahigit sa walong oras (overtime), siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita, o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 150% x 130% x bilang ng oras na trinabaho)].# (Paul Ang, Department of Labor and Employment)