Ginawaran ng Philippine Commission on Women (PCW) ng distinguished responsive agency award ang Department of Labor and Employment dahil sa pagsulong nito sa karapatang sa paggawa ng mga kababaihan at pagbibigay sa kanila ng economic empowerment.
Sa ginanap na recognition ceremony sa Philippine International Convention Center, isa ang DOLE sa mga tumanggap ng GADTimpala 2018 Bronze Award para sa Most Outstanding Gender-Responsive Agency.
Ang GADTimpala, o “Gender and Development Transformation and Institutionalization through Mainstreaming of Programs, Agenda, Linkages, and Advocacies,” ay isang parangal at incentive system na itinaguyod ng PCW upang kilalanin ang mga natatanging trabahong ginampanan ng mga ahensya ng pamahalaan at ang kanilang kontribusyong makamit ang gender equality at women empowerment kasabay ng kanilang mandato.
Sa mensahe ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na binasa ni Assistant Secretary Benjo Santos Benavidez, nagpasalamat siya sa PCW sa pagkilala sa kagawaran kaugnay ng mga ginagawa nitong hakbangin, higit lalo sa pagsusulong ng karapatan ng mga kababaihan at kanilang economic empowerment.
“Patuloy nating isinusulong ang gender equality at mga hakbangin upang ipalaganap ang mga dimensyon nito sa ating mga polisiya at programa,” wika ni Bello.
Higit isang dekada na nang isama ng DOLE ang perspektibo ng gender and development sa mga pangunahin nitong programa upang tugunan ang gender inequality sa bahagi ng employment facilitation, labor standards, social protection at welfare, at labor relations.
Upang tugunan ang mga pagkukulang sa labor force participation ng mga kababaihan, pinupuno ng DOLE ang gender-responsive employment facilitation at monitoring system tungo sa paglinang ng pagkakaroon ng trabaho ng mga kababaihan.
Nagpatupad na rin ng mga programa ukol sa social protection upang bigyang kakayahan ang mga marginalized na kababaihan sa mga liblib na lugar at congested na lalawigan sa buong bansa na malagpasan ang mga pagsubok na darating tulad ng mga krisis, dagok, at iba pang kalamidad.
Ang kapakanan at interes ng mga Pinay overseas workers ay isinasaalang-alang rin sa pamamagitan ng patuloy na paglinang ng mga welfare services at reintegration program.
Malawak na rin ang narating ng suporta at pagsusulong ng mga legislative initiative nito tulad ng Expanded Maternity Leave law, Telecommuting Act, o ang work-from-home scheme, at ang Occupational Safety and Health Standards Law na nagsusulong ng gender equality at maayos na kondisyon sa trabaho ng mga Pilipinong manggagawa.
Binibigyang halaga rin ng DOLE ang pagtiyak sa kalusugan at kaligtasan ng mga kababaihan sa pamamagitan ng pag-isyu ng department order na nagbabawal sa pagsusuot ng mga high-heeled na sapatos para sa mga kababaihan sa kanilang trabaho o ang pagtayo sa loob ng mahabang oras o ang madalas na paglalakad.
Kasunod rin ng patuloy na pagsusulong sa proteksyon ng mga manggagawa, lumahok rin ang DOLE sa ika-108 na sesyon ng International Labour Conference sa Geneva ngayong taon, at kasama ng iba pang bansa ay pinagtibay nito ang International Labour Organization (ILO) Convention against Violence and Harassment.
Sa ilalim ng convention, lahat ng manggagawa at tao sa mundo ng trabaho ay dapat na protektado laban sa anumang diskriminasyon at pang-aabuso sa labor law.
Ang GADTimpala 2018 awards ay iginawad noong nakaraang linggo kasabay ng pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag ng Magna Carta of Women sa Pilipinas. END/Tim Laderas/ Paul Ang, Department of Labor and Employment