Ang batikang peryodistang si Howie Severino ang tampok na tagapanayam para sa ikatlong Lektura Romualdez na mangyayari sa 6 Hunyo 2017, 8:00nu–12:00nh, sa Awditoryum ng Hukuman ng Apelasyon, Ermita, Maynila
Naging bahagi at nanguna siya sa mga palabas gaya ng Probe Team at I-Witness na tumanggap ng maraming gawad at pagkilala. Isa rin siya sa mga tagapagtatag ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ). Si Severino ang kasalukuyang pangalawang pangulo ng GMA Network para sa professional development.
Ang kaniyang panayam, ang wikang Filipino at midya, ay tatalakay sa ugnayan ng dalawa bílang mahalagang bahagi ng lipunang Filipino.
Ang Lekturang Norberto L. Romualdez ay serye ng lektura na sinimulan noong 2015. Layunin nitong makaipon ng mga intelektuwalisadong panayam hinggil sa araling kultural.
Idaraos ito bilang pagpaparangal kay Norberto L. Romualdez—naging Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Filipinas, at bilang mambabatas ay arkitekto ng Batas Komonwelt Blg. 184 na lumikha sa Surian ng Wikang Pambansa (ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino) na nangasiwa sa pagpili ng Wikang Pambansa.