Nagbabala na si Labor Secretary Silvestre H. Bello III na gagawa ng legal na hakbangin laban sa mga airline companies upang mapilitan silang itigil ang pangongolekta o pagsingil ng travel tax at terminal fee sa mga overseas Filipino workers (OFW).
“Ang patuloy na paniningil ng travel tax at terminal fee sa mga OFW ay hindi tama dahil hindi na sila saklaw ng batas na ipinatupad na tatlong taon na ang nakararaan. Dapat ay matagal na ring itinigil ng mga airline company ang paniningil nila,” wika ni Bello.
Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos na igiit ng mga airline companies na ititigil lamang nila ang pangongolekta ng nasabing kabayaran sa darating pang Abril 30.
Dagdag pa ni Bello, wala umanong legal na basehan ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at airline companies na mangolekta ng travel tax at terminal fee sa mga OFW dahil hindi na sila kasama rito batay na rin sa bisa ng Presidential Decree No. 1183 at R. A. No. 8042, o ang Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995, as Amended by R. A. No. 10022.
Ang CAAP ang siyang namamahala sa pangongolekta ng mga kaukulang bayarin kaugnay sa operasyon ng mga pampublikong serbisyong panghimpapawid, kabilang na rin ang pagpapanatili ng kaayusan sa mga pambansang paliparan at air navigation.
“Idudulog namin ito sa Office of the Solicitor General upang malaman ang mga legal na aksyon na maaaring gawin para agad itong matigil. Hindi sa Abril 30, kung hindi ngayon na,” sinabi pa ni Bello.
Sinabi rin ng kalihim na ang CAAP ang dapat na nagre-remit ng mga non-refunded na travel tax at terminal fee sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na siyang nangangalaga ng pondo ng OFW. Bilang ahensya ng DOLE, ang OWWA ang siyang namamahala sa mga programa para sa mga OFW.
“Ang mga travel tax at iba pang bayad na nakokolekta mula sa mga OFW at hindi naibabalik sa kanila ay dapat na naire-remit sa OWWA,” dagdag pa ni Bello.
Noong nakaraang buwan, sumulat si Bello kay Director General Jim Sydiongco ng CAAP, at binigyan rin ng kopya nito sina Secretary Arthur Tugade ng Department of Transportation, General Manager Eddie V. Monreal ng Manila International Airport Authority (MIAA), at Atty. Guiller B. Asido ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, upang gumawa na ng kaukulang hakbangin ang mga nasabing opisina sa ibat ibang terminal ng paliparan para sa pagpapatigil ng pangongolekta ng tax at terminal fee sa mga OFW. (DOLE Communications Office/Abegail De Vega/ Paul Ang)