Magiging siksik sa makabuluhang gawaing inihanda ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pagdiriwang ng ika-131 anibersaryo ng kapanganakan ni Julian Cruz Balmaseda sa 27 Enero 2017, Bulwagang Romualdez, Gusaling Watson, San Miguel, Maynila.
Si Julian Cruz Balmaseda, na isinilang noong 28 Enero 1895, ay isa sa mga nangungunang iskolar, makata, kritiko, at iskolar sa wikang Filipino ng Siglo 20. Naglingkod din siyang direktor ng Surian ng Wikang Pambansa na kilala ngayon bilang KWF.
Bilang pagpupugay kay Balmaseda, ipanangalan ng KWF ang isa sa mga pinakaprestihiyosong gawad sa kaniya, ang Gawad Julian Cruz Balmaseda.
Kinikilala ng gawad ang mga pinakamahusay na tesis at disertasyon na nakasulat sa wikang Filipino. Bahagi ito ng mithiin ng KWF sa patuloy na paglago ng wikang pambansa bilang intelektuwalisadong wika na nagagamit sa iba’t ibang larang.
Para sa taóng 2017, ipagkakaloob ang gawad kina Christian Ezekiel M. Fajardo ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (masteradong tesis) at Lovella Gamponia-Velasco ng Unibersidad ng Santo Tomas (disertasyon).
Tatanggap sina Fajardo at Gamponia-Velasco ng PHP100,000 nang magkihawalay at mayroong unang opsiyon ang KWF na mailathala ang kanilang mga akda bilang bahagi ng KWF Aklat ng Bayan.
Tampok din sa araw na ito ang paglulunsad ng aklat na Tulang Sakdal—Aral at Diwa ng Sakdalismo ni Dr. Marlon S. Delupio ng Pamantasang De La Salle. Si Delupio ang unang tumanggap ng Gawad Julian Cruz Balmaseda noong 2015.
Papasinayaan naman sa programa ang pinakabagong aklatan ng KWF, ang Aklatang Balmaseda. Bukod sa mga KWF Aklat ng Bayan, punô ang aklatan ng mga akda hinggil sa wika at kulturang Filipino na magagamit ng mga mag-aaral at iskolar nang libre.