Itinuturing ang tubig bilang isa sa mga pinaka-kailangan upang mabuhay sa mundo. Kung tutuusin, mapalad ang Pilipinas dahil nabiyayaan ito ng maramiing pagkukunan ng iba’t ibang yamang kalikasan. Ngunit sa patuloy na paglobo ng populasyon, tumataas rin ang demand sa tubig at dahil rito patuloy rin ang pagkakaroon ng kakulangan sa pagtustos ng ligtas na inuming tubig.
Ibinahagi ni Dr. Ernesto J. del Rosario, miyembro ng NAST PHL, na bukod sa pagtaas ng populasyon, patuloy ring nagkakaroon ng alanganing suplay ng tubig dahil sa patuloy na paglala ng polusyon sa bansa. Ayon sa kanya, upang mapanatiling ligtas at malinis ang inuming tubig ay nararapat na suriing muli ng mga Water Service Provider (WSP) mga batas at polisiya ukol sa pagpapanatili ng kalidad ng inuming tubig.
Ayon naman kay Agnes C. Rola, miyembro rin ng NAST PHL, masosolusyunan ang kakulangan sa pagtustos ng tubig kung magkakaroon ng magandang pamamahala sa tubig. Nagbigay ng ilang paraan si Rola tungo sa isang magandang pamamahala sa tubig.
Ilan nga dito ay ang paghahain ng Intergral Water Resources Management (IWRM) na siyang magtatakda ng isang layunin upang magkaroon ng maganda at maayos na pamamahala sa tubig. Ikalawa ay ang pagsasaayos ng pagpepresyo ng singil sa tubig at ikahuli ay ang pagkakaroon ng pagtutulungan mula sa pribado at komunidad na sektor.
Ayon rin sa kanya, kung matatamo ang maayos na pamamahala, matatamo rin ng mga Pilipino ang isa sa kanilang karapatan na makagamit ng ligtas at malinis na tubig sa kani-kanilang tahanan. (Alicia Angelica L. Villanueva)