Isang mas positibong pananaw ang inaani ngayon ng DOST matapos magpahayag ng suporta ang Filipino Inventors Society Producers Cooperative (FISPC) sa kanilang programang inilulunsad sa pamamagitan ng Technology Application and Promotion Institute (TAPI).
Sa ika-23 National Inventors’ Week, Grand Inventrepreneurs Fellowship Banquet Celebration noong Nobyembre 22, ipinahayag ni DOST Secretary Fortunato de la Peña na ang entrepreneurship ang isa sa mga paraan upang maging matagumpay ang mga obra ng bawat imbentor.
Kasabay nito ay nangako si Secretary Fortunato de la Pena ng tuloy-tuloy na pagtulong sa mga lokal na imbentor lalo na sa isyu ng patent para sa mga imbensyon at financial assistance para sa mga mangangailangan ng pondo para sa pagbebenta sa merkado ng kanilang mga likha.
Hinamon din ni de la Peña na maging pro-active ang mga imbentor at timbangin ang mga pangangailangan ng merkado upang ang kanilang mga kanilang magagawang imbensyon ay tunay na maging kapaki-pakinabang hindi lamang sa Pilipinas ngunit maging sa ibang bansa.
Ayon naman kay Francisco Pagayon, isang inventrepreneur, ang mga tulong na ibinibigay ng pamahalaan ay makakatulong upang makagawa sila ng mas maraming produkto at paghusayin pa ang kanilang mga gawa. (Aljhon Amante)