“Adapt. Survive. Now. #ThePhilCCAPstory,” iyan ang tema ng pagtatampok ng Philippine Climate Change Adaptation Project (PhilCCAP) sa mga natatangi nitong kontribusyon sa pag-aangkop ng bansa sa mabilis na pagbabago ng klima nitong ika- 29 ng Nobyembre sa Lungsod ng Quezon.
Ang proyekto na nagsimula pa noong 2011 ay naglalayong mailunsad nitong Martes, ika- 29 ng Nobyembre, ang mga instrumentong pang- kaalaman at maitanghal pati ang mga matatagumpay na programa na nagawa ng kooperasyon.
Tinatayang Php 4.9 milyon ang inilaan ng World Bank sa proyektong ito na naglalayon na maiangkop ang mga komunidad mula sa matinding epekto ng climate change sa pamamagitan ng pagbuo ng mga pangmatagalang solusyon at paglulunsad ng mga proyektong kapaki- pakinabang, ayon kay Mr. Wilbur Dee, tagapamahala ng proyekto.
Ipamamahagi simula ngayong araw ang mga produkto tulad ng Good Climate Change Practices Manual mula sa Climate Change Commission (CCC), Enhanced Climate- Smart Farmers’ Field School (ECSFFS) ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM), at mga kaalaman mula sa Weather Index- Based Crop Insurance (WIBCI) ng Philippine Crop Insurance Corporation.
Ibinahagi din sa kumperensya ang mga plano ukol sa Peñablanca Protected Landscape and Seascape (SIPLAS) ng Biodiversity Management Bureau.
Kalakip din nito ang mga instrumento mula sa PAG-ASA gaya ng mga ulat ukol sa klima ng bansa, mga polisiya, at manwal ng lokal na pamahalaan sa Geographic Information System (GIS) mapping.
Ibinida rin sa programa ang mga napagtagumpayang proyekto ng CCA tulad ng paglulunsad ng Online Knowledge Management System na Community of Practice (CoP) na naglalaman ng mga impormasyon ukol sa pagbabago ng panahon, mga rekomendasyon sa pagpapatayo ng mga pasilidad at iba pang mga serbisyong panlabas sa larangan ng agrikultura.
Dinaluhan ang nasabing pagtitipon ng mga kinatawan mula sa World Bank, Department of Environment and Natural Resouces (DENR), Department of Agriculture (DA), Department of Science and Technology (DOST), PAG- ASA, at mula sa akademya.
Tinatayang matatapos ang proyekto sa darating na katapusan ng taong ito. (Ace Palaganas)