Planong magtayo ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ng isang modernong slaughterhouse o “katayan” sa Payatas.
Ayon sa alkade, ang naturang slaughterhouse, na solong popondohan ng pamahalaang lungsod, ay itatayo na may kasamang cold storage facility upang matiyak na ang lahat ng ibebentang karne sa mga palengke ay ligtas kainin.
Umaasa din ang alkade na ang nasabing pasilidad ay makapagbibigay din ng karagdagang kita sa pamahalaang lungsod.
Naniniwala naman si City Veterinarian Dr. Ana Maria Cabel na makatutulong ang naturang proyekto na makontrol ang paglipana ng mga illegal ng katayan sa lungsod.
Sa kasalukuyan, may anin na katayan na nag-ooperate sa lungsod. Kabilang dito ang Labudahon abattoir, Capri abattoir, Maytan abattoir, La Loma Lechonan at mga katayan ng kambing sa Litex market and Mega-Q-Mart. May mahigit 10 namang palengke ang nag-ooperate ng mga mini dressing plants para sa mga manok.
Ayon kay Cabel, tinatayang tatlong milyong manok ang kinakatay sa lungsod kada taon.
Samantalang isinasapinal pa ang planong pagtatayo ng bagong katayan, pinag-aaralan din ng alkalde ang pagpapa-convert sa mga bakanteng pwesto ng mga palengke bilang maliliit na katayan. “Iyong mga market na walang laman, pwede sigurong i-consider ng kanilang mga may-ari ang ang pagrere-purpose,” sabi pa ng alkalde. (ARES P. GUTIERREZ, Chief, PAISO)