Kinilala ng Department of the Interior and Local Government ang Pamahalaang Lungsod Quezon bilang kauna-unahang local government unit (LGU) na tumalima sa kautusan nitong magbuo ng local governance transition team na titiyak sa maayos na pagsasalin ng pamamahala sa mga nanalong opisyales noong nakaraang halalan.
Sa isang simpleng seremonya sa Bulwagang Amoranto ng Quezon City Hall noong Miyerkules, isinalin ni City Administrator Aldrin C. Cuña ang mga dokumento na naglalaman ng transition report kay Mayor Herbert M. Bautista na nanalong mayor ng lungsod sa ikatlong pagkakataon.
Ang makasaysayang pagsasalin na dinaluhan ni DILG city director Juan Jovian E. Ingeniero ay ginanap sa kalagitnaan ng executive committee meeting.
Ang DILG Memorandum Circular 2016-21 ay nagtatakda sa lahat ng local government unit na bumuo ng local transition governance team na mangunguna sa pagsasalin ng lahat ng mga ari-arian ng pamahalaan at pananagutan sa tungkulin sa bagong halal ng opisyal.
Ang transition team ay inatasang magtala ng real o immovable properties tulad ng lupain, gusali, infrastructure facilities at improvement and machineries, movable assets tulad ng sasakyan, office equipment, furniture, fixtures at supply stock, likumin ang mga records at full disclosure policy document upang ihanda para sa nakatakdang pagsasalin.
Ang team ay inatasan din na isalin ng lahat ng ari-arian ng gobyerno, magsumite ng personal date sheet ng mga bagong uupong opisyal pati na ang courtesy resignation letters ng mga opisyal at empleyado na nasa co-terminus. # (ARES P. GUTIERREZ, Chief, PAISO)