BAWAS singkuwenta sentimos ang singil ng pamasahe ng tricycle sa buong Lungsod Quezon simula ngayong araw, Pebrero 1, 2016.
Sa inaprubahang Resolusyon ng Konseho ng Lungsod Quezon, ang inihain ni Konsehal Ramon “Toto” Medalla ng ikalawang distrito ng Kyusi na PR19CC-1388 ay naipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa ilalim ng “suspended rules” na nag-aatas sa Tricycle Franchising Board (TFB) na magpatupad ng bawas singil ng pamasahe sa tricycle. Dahil dito inaasahan na maglalabas ng bagong fare matrix o taripa ang TFB sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Konsehal Medalla, panahon na para ibaba ang pamasahe sa tricycle upang matulad na rin sa mga pampasaherong jipney na nagbawas pamasahe rin ng singkuwenta sentimos.
Layunin ni Konsehal Medalla na gayahin din ng ibang lokal na pamahalaan ang bawas pamasahe sa mga tricycle.
Matatandaan na makailang ulit na bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado nitong mga nagdaang ilang buwan. (Adela Garapan-Ida)