Ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ng Manila Water, ang konsesyunaryo ng silangang bahagi ng Metro Manila, ang El Nino na inaasahang mas titindi pa sa huling bahagi ng kasalukuyang taon, na maaaring tumagal pa hanggang sa unang tatlong buwan ng 2016, ayon na rin sa pahayag Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Inihayag ni Manila Water OIC for Corporate Strategic Affairs Group at Corporate Communications Head Jeric Sevilla, na ang Manila Water ay nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya na kasapi sa El Niño Inter-agency Technical Working Group upang maagang makapaghanda at nang maibsan ang posibleng epekto ng matinding El Nino. Dagdag pa ng PAGASA, mas mababa at maaaring hindi sapat ang dami ng ulan na darating upang punuin ang Angat Dam na siyang pinagkukunan ng tubig para sa halos 15 milyong residente ng Metro Manila.
Sa kasalukuyan ay nasa 180 meters lamang ang lebel ng Angat Dam, lubhang mababa sa kinakailangang lebel na 212 meters na siyang target sa pagtatapos ng taon.
Paliwanag ni Sevilla na bagama’t nananatiling normal ang suplay ng tubig sa mga kostumer kahit binabaan ang alokasyon ng tubig para sa Metro Manila, umaasa lamang ito sa mga inflows na nagmumula sa Ipo at La Mesa. Bukod pa dito, malaking tulong din ang mga naunang pagsasaayos ng water network ng Manila Water kaya’t bumaba ang antas ng nasasayang na tubig o system loss sa 11% Dahil dito, nasisigurong ang tubig mula sa mga treatment plant ay makaaabot mismo sa mga kostumer.
Ibinahagi ng Manila Water ang plano nito upang maibsan ang nagbabadyang kakulangan ng suplay sa pamamagitan ng patuloy na pagsasaayos ng mga linya ng tubig, paniniguro na patuloy na gumagana nang maayos ang lahat ng mga pasilidad, kabilang na ang mga treatment plants, pump stations at mga reservoirs o imbakan ng tubig; paggamit muli ng mga deepwells upang may pandagdag sa suplay; paghahanda ng mga mobile treatment plants; at implementasyon ng supply at pressure management schemes sakaling kinakailangan.
Patuloy rin na nanawagan ang Manila Water sa lahat na ugaliin ang wasto at responsableng paggamit ng tubig upang magkaroon ng sapat na suplay hanggang sa tag-ulan sa susunod na taon.
Ang Manila Water ang naghahatid ng serbisyong tubig at sanitasyon sa ilang bahagi ng Quezon City at Maynila, Pasig, Marikina, San Juan, Pateros, Taguig, Makati, Mandaluyong kabilang na rin ang lalawigan ng Rizal.
Posted By: Lynne Pingoy