Sa panahon ng kalamidad, ang pagbagsak ng mga linya ng kuryente at komunikasyon ang kadalasang nagiging sagabal lalo na sa pagpapatupad ng mga “search and rescue” ng lokal na pamahalaan. Lalo na ang komunikasyon, ito ay napakahalagang mapanatili lalo na sa mga kritikal na sandali.
At dahil ang bansa ay natutuna mula sa mga nagdaang kalamidad, ang Department of Science and Technology (DOST) ay gumawa ng isang alternatibong komunikasyon na maaaring magamit ng Local Government Unit (LGU) sakaling bagsak lahat ng uri ng komunikasyon. Ito ay ang Robust and Rapidly Deployable GSM Base Station and Backhaul for Emergency Response network o Project ROGER na isang GSM at SMS emergency network service na maaaring gamiting alternatibong komunikasyon kapag mayroong kalamidad.
Ang Project ROGER ay maaaring gamitin ng mga rumirespondeng yunit ng LGU upang mai-coordinate ang mga isinasagawang rescue and relief operation mula sa mga central base patungo sa mga emergency responder sa pamamagitan ng isang Base GSM Transceiver Station (BGTS). Ang BGTS ay nagbibigay ng mobile signal sa pamamagitan ng itinayong cellular tower at ibabato naman ang signal sa isang long range Wi-Fi access point upang mapalakas ang signal patungong base command ng LGU.
Ang konsepto ng Project ROGER ay nagmula sa mga karanasan ng bansa sa mga nagdaang malalakas na bagyong. Sa mga panahong iyon, maraming linya ng komunikasyon ang nasira at nagdulot nang pagkaka-antala ng mga kinakailangang rescue and relief operation mula sa lokal at pamahalaang nasyonal.
Sa pamamagitan ng Project ROGER, ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ay bibigyan ng Subscriber Identification Module card (SIM card) upang gamitin sa itatayong pansamantalang linya ng komunikasyon. Ito ay magagamit lamang kung walang anumang linya ng komunikasyon ang gumagana at magagamit lamang sa pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga rumiresponde at mga opisyal ng central command.
Ang teknolohiyang ito ay sumailalim sa pilot-testing sa tatlong komunidad ng Mercedes, Camarines Norte upang mabatid ang kakayahan nito sa totoong emergency situation. Sa pagpapatupad ng proyekto ay itinayo ang 15 metrong cellular tower na mayroong parabolic antenna na naglalabas ng signal. Ang nasabing tower ay itatayo lamang matapos ang bagyo at kung walang signal na nagmumula sa mga ‘telecom company’.
Ang Project ROGER ay mayroon ding tatlong 200 amperaheng baterya na nakakonekta sa 100 watt na solar panel na maaaring tumakbo nang hanggang tatlong araw.
Ayon sa mga miyembro ng proyekto, ang network na mula sa Project ROGER ay mayroong kakayahang magbigay ng hanggang pitong pairing ng mobile phone at kayang magbigay ng unlimited SMS at tawag.
Kasama ng DOST ang Electrical and Electronics Engineering Institute ng UP Diliman sa pagtataguyod ng Project ROGER.
Posted By: Lynne Pingoy