Sa panahon ng Internet, hindi kinakailangang lumabas ng tahanan upang makakuha ng mga pangkaraniwang serbisyo o kumita ng ekstra. Ito ang pananaw ng pamunuan ng Department of Science and Technology (DOST) kaya naman isinusulong ng Kagawaran ang programang Rural Impact Sourcing (RIS) upang mabigyang-pansin ang mga alternatibong oportunidad sa online.
Layunin ng nasabing programa ang maipabatid at mahikayat ang publiko hinggil sa mga alternatibong kabuhayan at oportunidad lalo na ang mga nasa lalawigan.
Marami sa mga probinsya ng bansa ang mayroong maliit na porsyento ng mga mamumuhunan dahil na rin sa iba’t ibang suliranin tulad ng seguridad at imprastruktura.
At upang matugunan ang suliraning ito, minabuti ng DOST-Information and Communications Technology Office (DOST-ICT Office) na buksan ang pinto ng oportunidad sa mga mamamayang nasa lalawigan sa pamamagitan ng Information Technology- Business Process Management (IT-BPM).
Sa nakaraang National Science and Technology Week na ginanap sa SMX Convention Center ay ipinakilala ng DOST-ICT Office ang ilang matagumpay na indibidwal na mayroong karera sa online.
Ayon kay Emmy Lou Delfin, tumatayong program manager ng DigitalPH ng ICT Office, “RIS (Rural Impact Sourcing) is a program intended to create meaningful ICT-enabled jobs in socio-economically disadvantaged areas in the country. It specifically focuses on areas where there is high population but low employment due to lack of investors.”
Ibinahagi ni Delfin na sa kasalukuyan ay mahigit sa isang milyon ang mga naghahanapbuhay bilang “freelancer.” Hangad ng DOST-ICT Office na madadagdagan ang bilang ng mga freelance professional sa pamamagitan ng RIS ng hanggang 500,000 pagsapit ng taong 2016.
Ayon naman kay Genesis Reonico ng Online Jobs University, mahalagang magkaroon ng malawak na kaalaman hinggil sa mga patok na produkto, serbisyo, personalidad at marami pang iba kung nais na pasukin ang mga online job.
Mahalaga ring matukoy ang mga kakayahan upang ito ay maitugma sa trabahong nais pasukin.
Naniniwala naman si Evan Tan, Freelancer.com Southeast Asia country manager na isa sa mga benepisyo ng mga freelancer ay ang oportunidad na kumita ng naaayon sa kakayanan nang hindi kinakailangang lumisan sa kinalakihang bayan.
Wika pa ni Tan, ito ay magsisilbi ring daan upang mahasa ng isang mag-aaral ang kanyang kakayahan bago pa man sila makatapos ng pag-aaral. Allan Mauro V. Marfal
Posted By: Lynne Pingoy