Ngayong araw, isang Press Conference ang sanib-pwersang inorganisa ng Department of Science and Technology (DOST) at Commision on Higher Education (CHED) bilang paghahanda sa darating na 6th Asia-Pacific Economic Cooperation na gaganapin sa bansa.
Ang 6th APEC ay binubuo ng dalawang serye ng conferences na gaganapin simula Agosto 10-15, 2015 sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Sa ika-10 hanggang ika-12 ng Agosto, gaganapin ang unang bahagi ng komperensya na tatalakay sa Policy Partnership on Science, Technology and Innovation (PPSTI), isang APEC group na naglalayon na paigtingin ang pakikipagtulungan sa pagitan ng gobyerno, pribadong sector at sa academic institutions. Ang tema ng PPSTI sa taong ito ay “Science, Technology and Innovation for Inclusive Growth”. Hihikayatin at susuportahan ng PPSTI ang S&T Industry, kabilang ang SMEs sa pamamagitan ng iba’t-ibang channel at platforms na lalahok sa APEC STI cooperation. Pamumunuan ng DOST ang nasabing diskusyon.
Sa darating naman na Agosto 13-15, gaganapin ang High Level Policy Dialogue on Science and Technology in Higher Education (HLPD-STHE) na magkatulong na pangungunahan ng DOST at CHED. Layunin ng naturang pagpupulong na bigyang halaga ang papel ng S&T sa pagpapaunlad ng ekonomiya, pagtatalakay sa mga bagong mekanismo at istratehiya na makakatulong sa mga pagbabago sa larangan ng science and technology at itanghal ang mga kontribusyon ng S&T sa mga common issues.
Gaganapin ang APEC 2015 simula August 10-15, 2015 sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City. (S&T Media Service) (Freda Migano)