Naniniwala si Cagayan de Oro City Representative Rufus Rodriguez na magiging maganda ang pagdinig ng kamara sa pinapasang batas ukol sa Bangsamoro. Malaking bagay aniya ang matinding adhikain ni Pang. Aquino na makamit ng Mindanao ang matagal na nitong inaasam na kapayapaan.
Malaki rin daw ang paniniwala niya na maipapasa ang nasabing batas dahil sa sinserong committment na pinapakita ni P-Noy gayundin ang suportang inaani nito mula sa maraming Pilipino.
Malaking tulong diumano ang personal na pagtutulak ng Pangulo na maipasa ito. Ani ni Rodriguez, bilang kabahagi ng kamara, pabor din siya na maipasa ang ganitong repormang pang-kapayapaan sa Mindanao. Binigyang punto rin niya ang mga tala na lumabas sa isang survey ng Social Weather Stations kung saan majority ng mga Pilipino ay nasisiyahan sa pagsisikap ng administrasyon sa pagpapanumbalik ng kapayapaan sa Mindanao.
Ang ipinapanukalang Bangasamoro Basic Law ay ang legal na pag-uulit ng Comprehensive Agreement on Bangsamoro (CAB), na nilagdaan ng pamahalaan at MILF bilang pangwakas na kasunduan para sa kapayapaan. Ito ay naglalayong makapagtatag ng isang Bangsamoro region at palitan ang Autonomous Region of Muslim Mindanao. (Freda Migano)