Kinondena ng grupong GABRIELA ang naging ulat ni Pang. Benigno Aquino III sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) ukol sa benipisyong naidulot ng programang Conditional Cash Transfer sa mahihirap nating kababayan.
Ani ni GABRIELA lawmaker Luzviminda Ilagan, ang pagmamalaki ni P-Noy sa naturang programa ay paraan lamang upang pagtakpan ang mga alegasyon ukol dito. Sa kabila ng katotohanang ang badyet na inilaan para sa CCT program ay puno diumano ng korapsyon.
Sinabi pa ni Ilagan, sa findings na inilabas ng Asian Development Bank (ADB) halos 19 billion sa 62 billion na kabuuang badyet na inilaan para sa Conditional Cash Transfer Program ay hindi napunta sa mga mahihirap nating kababayan. At noong December 2014, naglabas ng report ang Commission on Audit tungkol sa pagkakabigo ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman na isalaysay kung saan napunta ang may nasa 1 bilyong badyet ng kanyang ahensya.
“He refused to take accountability for the rise in poverty and refused to see the worsening state of joblessness and hunger while repeatedly harping about the low-impact yet loan-heavy Conditional Cash Transfer program. Masakit sa tainga pero tiyak na mas masakit ang dinaranas ng maraming mga nanay at kababaihan na patuloy na naghihirap sa ilalim ng limang taong panunungkulan ni Aquino”, pahayag nina GABRIELA lawmakers Luzviminda Ilagan at Emmie de Jesus habang sinusundan ang State of the Nation Address ng Pangulo noong nakaraang Lunes, Hulyo 27, 2015.
Matapos ang limang taong panunungkulan ni Pang. Aquino at ng programa ng CCT, nasa may 25.8 milyong Pilipinong pamilya pa rin ang nabubuhay na nasa estado na below poverty line. Sa halip na mabawasan ay mas dumami pa daw ang bilang ng naghihirap sa bansa.
Pinuna rin nina Ilagan at De Jesus na ang yaman ng sampung pinakamayamang Pilipino sa bansa, na nakinabang sa Aquino’s Private-Public Partnership Program ay trumiple ng 250%. Mula sa ₱650 billion noong 2010 ay lumaki ito ng hanggang sa ₱2.2 trillion ngayong 2015.
Dagdag pa nila, ang mga mahihirap ay lalong naghihirap at ang mga mayayaman ay lalong yumayaman. (Freda Migano)