1st Central Luzon Gamefowl Expo, yan ang hatid ng B-Meg Integra Trimax na ginanap sa San Fernando Pampanga na tumagal ng dalawang araw, (July 29-30,2015). Ang expo na ito ay para sa mga nahihilig sa sports na cockfighting o pagsasabong ng mga manok, Dito ay nagtipon tipon ang kilalang mga breeders na dala ang kanilang mga “one of a kind” na pambatong manok, upang ipakita sa lahat o di naman kaya ay ibenta para sa mga nagnanais na bumili nito.
Dumalo rin sa nasabing expo ang mga gamefowl experts upang magbigay ng suhestiyon at seminar patungkol sa tamang pag-aalaga ng mga manok. Ang parteng ito ng event ay isa sa pinaka inabangan ng mga dumalo, Lalo na nang mga nahihilig o nagbabalak pa lamang na pumasok sa mundo ng cockfighting.
Sa ating pag-iikot at pagtatanong napag-alaman kong hindi lang pala basta-basta ang pagsali sa sports na ito. Lalo na kung ang nais mong isabak sa laban ay ang sarili mong pambato, dahil hayop man silang maituturing ay mayroon pa rin silang pinagdaraanang proseso o preparasyon bago ang kanilang “Big Fight” upang masiguro ang kanilang pagkapanalo.
Katulad ng bawat atleta sa ibat-ibang larangan ng sports mahalaga para sa mga panabong na manok ang makakuha ng sapat na pahinga bago ang kanilang laban sa pamamagitan ng paglalagay sa kanila sa tinatawag na ‘keeping room’.
Sunod naman rito ang ‘Pointing’ kung saan inaalam ang pisikal at mental na kapasidad ng manok, pati na rin ang pagtimbang at pagbibigay ng tamang pagkain upang makasigurado na mayroon silang sapat na lakas.
At sa araw ng pinakahihintay na laban ng iyong pambato, makabubuti rin kung bigyan ito ng anti- stress drops at gawing komportable ang kulungang paglalagyan nito.
Isa ring plus factor ang pagdating ng maaga sa lugar na pag gaganapan ng laban nito upang mabigyan ng pagkakataon na makapagpahinga at masanay sa paligid ang iyong manok.
Pero, para naman sa walang alagang panabong na manok ngunit nais pa ring sumabak sa mundo ng cockfighting at kumita ng pera ay maari kang sumali bilang isang bettor o tumataya sa isa sa mga naglalabang manok, at magkaroon ng pagkakataong dumoble ang kita mo.
Huwag mag-alala dahil may karanasan man o wala, Bihasa man o hindi ay maari ka pa ring tumaya rito basta tandaan na ang isa pinaka importante mong dapat gawin ay mamili sa dalawa.. Sa Pula? o Sa Puti? By: Edrillan Pasion