Simula ngayong Agosto ay mas mataas na ang halaga ng funeral benefit ng Social Security System (SSS) matapos itong aprubahan ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sa ilalim ng SSS Circular No. 2015-009, itataas ng SSS ang funeral benefits mula sa dating fixed amount na P20,000 ay maaari na itong umabot hanggang P40,000 depende sa bilang ng kontribusyon at average monthly salary credit (AMSC) ng namatay na miyembro.
Ayon kay Agnes San Jose, Bise Presidente ng Benefits Administration ng SSS, ang pagtaas ng funeral benefits ay para sa mga benepisyaryo ng mga namatay na miyembro simula Agosto 1, 2015.
Sinabi ni San Jose na ang bagong funeral benefit ay kukwentahin mula sa fixed amount na P20,000 na dadagdagan ng porsyento ng kabuuang kontribusyon at AMSC ng namatay na miyembro.
“Itinaas ng SSS ang funeral benefit matapos lumabas sa isinagawa naming pag-aaral na umaabot na ng P40,000 o doble ng halaga ng kasalukuyang funeral benefits ang gastos sa pagpapalibing,” ayon kay San Jose.
Ang SSS funeral benefit ay tulong pinansyal na ibinibigay sa kung sino man ang gumastos para sa pagpapalibing ng yumaong miyembro. Sa kasalukuyan, ang SSS funeral benefit ay P20,000 at hindi nito isinasaalang-alang ang bilang ng kontribusyon ng miyembro.
Ang bagong computation ng SSS funeral benefit ay ginawa ng SSS Actuarial Department at binigyan ng kunsiderasyon ang mga miyembro na mas madami ang buwanang kontribusyon at mas mataas ang buwanang hulog.
“Halimbawa, ang isang miyembro na nagbayad ng isa hanggang labinsiyam na kontribusyon na may AMSC na P10,000 ay makakatanggap ng funeral benefit mula P20,000 hanggang P20,999. Samantalang ang isang miyembro na may 267 kontribusyon at AMSC na P15,000 ay makakatanggap ng maximum benefit na P40,000,” paliwanang ni San Jose.
Bilang resulta ng pagpapalawig ng benepisyong ito, inaasahan ng SSS na tataas ng 12 porsyento o aabutin ng P332 milyon kada taon ang halaga ng binabayaran nitong funeral claims. Batay din sa pag-aaral ng SSS, kalahati ng mga funeral claims na babayaran nito sa ilalim ng bagong circular ay mas mataas sa P20,000 kada claim.
Inabot ng 1.01 bilyon ang funeral benefit na binayaran ng SSS mula Enero hanggang Abril 2015, mas mataas ito ng 2.4 porsyento kaysa P987 milyon sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Nilinaw naman ni San Jose na ang pagtataas ng funeral benefit ay hindi makakaapekto sa buhay ng pondo ng SSS at hindi din ito ito magiging dahilan para itaas ang kontribusyon ng SSS.
“Ang ibinibigay na funeral benefit ng SSS ay tatlong porsyento lamang ng kabuuang taunang benefit payout kaya ang pagtataas nito ay maliit lamang,” dagdag ni San Jose.
–
Posted by: Freda Migano