Nitong Hunyo lang ay inanunsyo ng PAG-ASA ang opisyal na pagpasok ng tag-ulan at nasa labing-isa hanggang labing-anim na bagyo ang inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibilty (PAR) mula Hulyo hanggang sa buwan ng Disyembre.
Ngunit sa ikatlong bahagi ng taon, ayon sa PAG-ASA ay unti-unti na ring mararanasan ang epekto ng El Nino at inaasahang titindi pa ito sa mga huling buwan ng taon hanggang sa summer sa 2016.
Sa kabila ng mga nararanasang pag-ulan ngayon dito sa Kamaynilaan, maaring magtagal lamang daw ito hanggang sa buwan ng Setyembre. At dahil dito nagsasagawa na ng hakbangin ang iba’t-ibang water sectors upang mapagtuunan ng pansin ang maaaring epekto ng El Nino sa pagsu-supply ng tubig.
Ang Technical Working Group on Angat Reservoir Operation and Management (TWGAROM) na binubuo ng NWRB, MWSS, Maynila Water, Maynilad, NIA, PAG-ASA, NAPOCOR at Angat Hydropower Corporation ang nangunguna sa maayos na alokasyon ng tubig. Umaasa sila na sapat ang ulan hanggang Setyembre upang maabot ng Angat Dam ang manageable water level nito para sa suplay ng tubig sa mga buwan ng Oktubre hanggang Disyembre at hanggang sa mga unang buwan ng 2016 kahit pa maranasan na ang El Nino.
Di lingid sa kaalaman ng lahat na ang Angat Dam ang sumusuplay ng tubig sa maraming kabahayan at establisyemento sa buong Metro Manila at sya ring pinagkukuhanan ng nasa 28, 000 hectares na bukirin sa Bulacan at Pampanga para sa kanilang irigasyon.
Dahil sa forecast na ito ng PAG-ASA, proper water management naman ang tugon ng mga major supplier ng tubig. At sa kabila ng kanilang mga ginagawang hakbangin, hiling din nila na makipagtulungan ang publiko at maging resonable sa paggamit ng tubig. Ani ni Sevillo D. David Jr., Ph.D, Executive Director ng NWRB, na ginagawa nila ang lahat ng paraan para masigurong matugunan ang pangangailangan ng lahat sa tubig ngunit umapela siya sa publiko sa tamang pag-konsumo ng tubig.
Sa kabila ng napipintong El Nino ay hindi raw makararanas ng kakulangan sa pagdi-distribute ng tubig ang mga suplayer. (Freda Migano)