Isang protesta ang isinagawa ng grupong Anak Bayan- Metro Manila sa harap ng main office ng CHED sa Diliman, Quezon City limang araw bago ang itinakdang SONA ng pangulo.
Layon ng grupo na iparating ang mga kapalpakan ng administrasyon sa kalagayan ng edukasyon sa bansa. Ani ni National Union of Student of the Philippines- Metro Manila Spokeperson Teddy James Angeles, ang naturang protesta ay para pasubalian ang mga kasinungalingang ihahayag ng Pangulo sa kanyang SONA.
Sa kanilang #ThrowbackKapalpakan, inilista ng mga kabataan ang limang maling hakbang na isinagawa ng Pangulo para sa edukasyon ng mga kabataan. Binigyang-pansin nila ang (1) pagpapakamatay ng tatlong kabataan ng mabigo na makapag-enroll sa kanilang mga paaralan dahil sa mataas na tuition fee, (2) ang pagtaas ng 130% ng sa tuition fee mula ng umupo si Aquino bilang pangulo, (3) ang di pinag-isipang pag-implementa sa programang K-12, (4) ang militarization sa mga paaralan sa Davao at (5) ang isyu ukol sa Pork Barrel Scam.
Ang protestang ito ng Anak Bayan ay sumisimbolo diumano sa nakikita nilang madilim na kinabukasan ng mga kabataan sa ilalim ni Pang. Aquino. Ani pa ni Angeles, may sapat na pondo diumano ang bansa para suportahan ang libreng edukasyon ng lahat ng mag-aaral sa lahat ng antas ngunit di ito maisakatuparan dahil sa patuloy na kurapsyon sa gobyerno.
Sa darating na lunes ay dadalo ang nga kabataan sa People’s SONA upang ipakita ang kanilang pagtuligsa sa mga kasinungalingan ihahatid ng pangulo sa lahat. Dagdag pa ni Angeles, malinaw para sa kanilang mga kabataan na ang adhikaing #TuwidnaDaan ng pangulo ay walang iba kundi ang #DeadEnd para sa mga Pilipino.
Ang protestang ito ng Anak-Bayan ay ang pagpapatuloy sa kanilang daing na para sa pagkakaroon ng libreng edukasyon sa lahat ng antas. (Freda Migano)