Isa sa mga itatampok sa gaganaping National Science and Technology Week ngayong taon ay ang Benham Rise Project na pinangunahan ng Department of Science and Technology (DOST).
Noong Mayo nang nakaraang taon ay nagsagawa ng oceanographic exploration at survey ang ilang Pilipinong scientist sa Benham Bank. Sakay ng M/V BFAR, sama-sama nilang tinuklas ang mga likas na yaman na maaaring mapakinabangan ng bansa sa darating na hinaharap.
Ang proyektong ito ay tinawag na “Exploration, Maaping and Assessment of Deep Water Areas” na pinangunahan ng Department of Science and Technology- Philippines Council of Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) kasama ang UP Marine Science Institute, UP National Institute of Geological Sciences, UPLB-School of Environmental Science and management at ng Department of Agriculture- Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. Katulong sa nasabing proyekto ang ilang mananaliksik, siyentipiko at mga dalubhasa sa pagsisisid mula Sa UP Mindanao, UP Baguio, Xavier University, Ateneo de Manila University at ang local underwater diving industry.
Layon ng pag-aaral na ito, na matuklasan ang biological characteristics at likas na yaman na mayroon ang Benham Bank seamount. Nais din na maidokumento ang biodiversity nito.
Ang Benham Rise ay bahagi ng Philippine Extended Continental Shelf na pinagtibay ng Commission on the Limits of the Continental Shelf ng United Nations.
Ang National Science and Technology Week ay gaganapin mula 24-28 ng Hulyo sa SMX Convention Center sa Pasay City. (Freda Migano)