Kamakailan lang ay inanunsyo ng Information and Communications Technology Office (ICT Office) ng Department of Science and Technology ang pagpapatibay ng bagong patakaran para sa operational standards, web hosting at e-mail ng mga ahensya at opisina ng gobyerno.
Nilagdaan ni Louis Napoleon C. Casambre, Executive Director ng ICT Office, ang Memorandum Circulars governing Government Web Hosting Service (GWHS), Government-wide Email (GovMail) at Philippine eGovernment Interoperability Framework of PeGIF2 o mas kilala bilang Information Interoperability Framework (IIF).
Ani ni ICT Office Deputy Executive Director ng e-Government na si Denis F. Villorente , ang paggamit ng Govmail Services ay makakatulong upang mas mapabuti ang proseso ng komunikasyon at upang mapaigi rin ang paghahatid ng mga serbisyo sa publiko.
Ang GWHS, GovMail at IIF ay bahagi ng programa ng ICT Office’s iGOv Philipiines na naglalayong mapaigi ang operasyon ng gobyerno sa pamamagitan ng paggamit at paglalagay ng naaayong mekanismo para sa maayos na pagi-implementa ng mas maayos na government applications.
Para sa karagdagang informasyon ukol sa iGov Philippines at ICT Office, magkakaroon ito ng presentasyon sa darating na National Science and Technology Week (NSTW) sa Hulyo 24-28, 2015 sa SMX Convention Center sa Pasay City. (S&T Media Service) (Freda Migano)