Maglalatag ang DOST ng 18,117 WiFi access points na parang “hotspots” sa mga plazang bayan, pampublikong aklatan, paaralan, mga rural health centers at iba pang publikong lugar sa mga 4th, 5th at 6th class na munisipalidad. Magkakaroon din ng 14 na POPs (points of presence) sa mga siyudad na malapit sa mga naturang munisipalidad at magtatayo ng imprastraktura para sa internet sa 967 na munisipalidad.
Ang layunin ng proyektong ito ay mabigyan ng pantay na oportunidad ang ating mga kababayan sa kanayunan na makagamit ng internet lalo na para sa ating mga mag-aaral, mga maliliit na negosyante at ang iba pang sector ng lipunan na hindi naseserbisyuhan ng mga komersyal na kumpanya ng komunikasyon.
“Kapag nailatag na natin ang free internet ay mabibiyayaan ang kasalukuyang 105,000 na gumagamit ng 256 kilobyte kada segundo at makakagamit na sila ng email at Facebook. Makakakuha na rin sila ng mga impormasyon tungkol sa panahon at marami pang mga kaalaman na magiging kapakipakinabang sa kanilang buhay,” sambit ni DOST Secretary Mario G. Montejo.
Bagama’t ang 256 kilobyte ay ang pinakamababa para sa broadband kumpara sa karaniwang 2.1 megabyte per second, ito ay makatutulong pa rin sa ating mga mag-aaral at mga negosyante na makakuha ng impormasyon na kanilang magagamit sa mga aralin at pangangalakal.
“Ang pagkakaroon ng internet sa mga probinsya ay isa lamang hakbang para natin matugunan ang pangangailangan sa mahahalagang impormasyon tulad nga sa panahon ng kalamidad, serbisyong kalusugan tulad ng Rx Box ng DOST, mga serbisyo ng pamahalaan o e-government services at sa pagnenegosyo or e-commerce. Dahil sa internet ay mapapalago natin ang kalakalan sa kanayunan at mapapalawak ang kaalaman natin sa pang-araw-araw na buhay,” pahayag ni Montejo.
Ang proyektong ito ay pinangunahan ng DOST at ng sangay nitong Information Communications Technology Office o ICTO na may halagang P 1.408-bilyon para sa free internet.
Sa kagustuhan ng pamahalaan na mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan sa malalayong lugar sa bansa na makagamit ng free internet ay unang inilunsad ng DOST ang proyektong tutugon sa ganitong adhikain sa bayan ng Tubigon at Talibon sa Bohol.
“Nais po natin sa DOST na mabigyan ng internet access ang ating mga kababayan sa mga probinsya na hindi nararating ng mga komersyal na kumpanya ng komunikasyon dahil ito ay napakahalaga upang mapaunlad nating ang kabuhayan at ekonomiya sa kanayunan,” pangwakas na pahayag ni Montejo. (S&T Media Service)