By: Antonio A.S. Valdes
Sa mga nakaraaang People Power, noong una’y nagpatanggal kay Marcos at pangalawa kay Pangulong Estrada, hindi maikakaila ng mga liderato na may nakatagong kamay ng Amerikano na gumagawa ng paraan upang mapatalsik ang mga nakaupong liderato.
At bakit nang nakaupo na si Corazon Aquino na humarap sa humigit kumulang na 7 hanggang 8 coup attempt ay hindi siya napatalsik ay dahil sinuportahan siya ng mga dayuhang interes.
Ganyan din kay Gloria Macapagal Arroyo nang siya’y umupo at gumawa ng paraan ang mamamayang Pilipino, ilang beses siyang pinag-resign na pinamunuan pa ni Corazon Aquino ang pagpapatalsik sa kanya. Hindi rin natanggal si GMA dahil sinuportahan siya ng gobyerno ng Amerikano.
Tuwing magkakaroon ng likas na kilusan ang mga Pilipino na walang suporta o pahintulot ng embahada ng Estados Unidos, hindi nagtatagumpay ang gustong pairalin ng mga naghihirap na mamamayang Pilipino.
Tama ba ang isang katanungan na iminungkahi ng isang Brodkaster na paano daw magtatagumpay ang kilusan na magpalit ng rehimen at magpalit ng sistema ngayon nang hindi nakikialam o tumutulong ang mga galamay ng Estados Unidos.
Bagaman matagal sa kasaysayan ng bansang Pilipinas na magkaroon ng tunay na rebolusyon upang palitan ang kasalukuyang rehimen na walang tulong o laban sa mga dayuhan.
Marahil panahon na upang maintidihan ng mga Patriotikong Pilipino na kung nanaisin natin na magtatag ng isang gobyerno na nakatuon sa kapakanan ng mga mamamayang Pilipino. Kinakailangan tayo ay magkaisa sa ganitong layunin.
Madali ang sabihin ang magkaisa ngunit mahirap gawin.
Naniniwala ako na ang nakakarami sa mga mamamayang Pilipino ay pare-pareho ang karaingan, pare-pareho ang dinaranas, pare-pareho hangad na magkaroon ng tapat at maserbisyong gobyerno at pare-pareho ang pagmamahal sa bansang Pilipinas.
May ibang mga sektor na ibig gamitin ang malawakang sama ng loob ng mga mamamayan para sa kanilang makasariling interes at layunin.
Mayroong mga Pilipino na datihang pulitiko na gustong makabalik sa kanilang mga pinagnanakawang mga posisyon, mayroong mga Pilipino na gustong lumuklok at kamtan ang makapangyarihang posisyon upang sila naman ang mangurakot, mayroong mga Pilipino na gustong pairalin ang isang idelohiya na maghiwalay na hindi sasang-ayunan ng nakakarami. Itong mga pribadong interes na pangsarili at laban sa kasarinlan ng Republika ng Pilipinas.
Bagaman kakaunti lang sila kumpara sa buong populasyon ng bayan ay gumagalaw at ginagamit ang mga iba’t ibang pamamaraan upang mailagay sila sa posisyong hindi makapagbibigay ng kaginahawaan sa buhay ng mga mamamayang Pilipino. Hindi sila magtatagumpay.
Ang prosesong pagkakaisa sa aking paningin ay nangangailangan ng pagsasama at pare-parehong paningin sa kritikal na sitwasyon na hinaharap ng ating bayan.
Lahat ng sektor magmula sa mga mahihirap, mga magsasaka, mga mangingisda, mga guro, mga manggagamot, mga abogado at iba pang propesyonal, mga mangangalakal, kabataan, military, kapulisan, at mga kaparian sa mga iba-ibang relihiyon ang kinakailangang magkaisa.
Madaling sabihin ngunit mahirap gawin. At nagpapasalamat ako sa Diyos na Maykapal na itong pamamaraan na ipinahihiwatig sa lahat ng sektor ang malubhang sitwasyon ng ating bayan ang Siya na ring gumagawa at nagmumulat ng kaisipan.
Kung hindi dahil sa Kanya hindi natin natuklasan ang kapalpakan, kasinungalingan, kawalanghiyaan, pagiging ganid ng gobyerno ni Noynoy Aquino at ng kanyang mga alipores.
Wala akong maisip na panahon sa ating kasaysayan na kusang nagkaisa ang buong mga sektor ng bayang Pilipinas sa pag-iisip na kinakailangang palitan ang rehimen at bulok na sistema na nagpapahirap sa mamamayang Pilipino, na ngayon lang ako nakakita ng pagkakaisa ng taumbayan sa kanilang hangarin na hindi lang pagtanggal ng korapsyon ang mahalaga kundi maumpisahan ang pagtatatag ng isang tunay na Republika gawa ng Pilipino, ng mga Pilipino at para sa mga Pilipino. #
[polldaddy poll=9006412]