Hiningi ng Manila Water, ang konsesyunaryo ng silangang Metro Manila at lalawigan ng Rizal, ang tulong ng lokal na pamahalaan ng Cainta, upang epektibong maipatupad ang programang Toka Toka, ang una at natatanging adbokasiya sa bansa na nakatuon sa tamang pamamahala ng nagamit na tubig
“Bahagi ang pakikipagtulungan sa mga lokal ng pamahalaan tulad ng bayan ng Cainta sa pangkabuuang istratehiya sa programang Toka Toka upang makapagbigay ng komprehensibong solusyon sa polusyon at masiguro ang tagumpay at maayos na pagpapatupad ng programa”, paliwanag ni Manila Water East Zone Business Operations Group Director Ferdinand Dela Cruz.
Binigyang diin din ni Dela Cruz na ang pakikibalikat ng Manila Water sa lokal na pamahalaan ay nagpapakita lamang na seryoso at pinapahalagahan ng kumpanya ang layunin nitong linisin at buhaying muli ang mga pangunahing kailugan sa Metro Manila na binubuo ng Marikina, San Juan at Pasig.
Nagagalak din si Cainta Mayor Johnielle “Kit” Nieto sa pakikipagtulungan ng Manila Water. Ani Nieto, kami ay tutulong sa pamamagitan ng paglaganap ng magandang mensahe ng Toka Toka sa publiko sa pamamagitan ng paglalagay nito sa mga pampublikong billboards upang lalong maintindihan ng mga tao ang kahalagahan nito.
Nag-umpisa ang programang Toka Toka noong 2012 at agad sinimulang ipatupad ang mga inisyatibo tulad ng paglilinis ng mga ilog at iba pang daluyan ng tubig.
Binibigyang-diin ng Toka Toka ang ilang payak na pamamaraan na maaaring gawin ng bawa’t indibidwal bilang kaniyang ‘Toka’ para makatulong na gawing malinis at ligtas ang mga estero at ilog ng Metro Manila.
Kabilang dito ang (1) tamang pagtatapon ng basura; (2) Desludging o pagpapalinis ng mga poso negro tuwing limang taon; (3) Pagkonekta ng mga bahay sa sewer lines ng Manila Water; at (4) pagsuporta sa mga proyektong sanitasyon sa mga komunidad.
Ang Manila Water ay ang pribadong kumpanya na konsesyunaryo ng silangang bahagi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na nagbibigay ng serbisyong patubig at alkantarilya sa Marikina, Pasig, Makati, Taguig, Pateros, Mandaluyong, San Juan, ilang bahagi ng mga lungsod ng Quezon City at Maynila at ilang bayan sa lalawigan ng Rizal.
Posted by: Freda Migano