Ibinahagi ng Manila Water, ang konsesyunaryo ng silangang bahagi ng Kalakhang Maynila ang pangunahin nitong proyektong “Tubig Para sa Barangay” sa katatapos lamang na Master Meter Workshop ng Asian Development Bank (ADB) na ginanap kamakailan sa Jakarta, Indonesia.
Kinikilala ng ADB bilang isa sa mga pinakamahusay na proyektong isinagawa ng konsesyunaryo sa tubig at alkantarilya sa Asya ang nasabing program ng Manila Water na layong makapagbigay ng malinis at walang patid na suplay ng tubig sa mga mahihirap ng pamayanan.
Bukod pa sa pagbibigay ng malinis na tubig, ipinaliwanag ni Manila Water Customer Service and Stakeholder Management Department Head Victoria Santos sa mga dumalo kung paano napababa ang system loss o ang antas ng nasasayang na tubig sa silangang konsesyunaryo ng Metro Manila na kadalasang laganap sa mahihirap na lugar.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 1.7 milyong katao mula sa marginalized communities ang nakikinabang sa 24/7 suplay ng tubig. Dahil dito, bumaba na rin ang pagdami ng mga water-borne diseases bunsod na rin ng napabuting kondisyon ng sanitasyon.
Ang Manila Water ay ang pribadong kumpanya ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na nagbibigay ng serbisyong patubig at alkantarilya sa Marikina, Pasig, Makati, Taguig, Pateros, Mandaluyong, San Juan, ilang bahagi ng mga lungsod ng Quezon City at Maynila at ilang bayan sa lalawigan ng Rizal.
Posted by: Freda Migano