Ang Department of Agriculture ang host ng selebrasyon ng “Consumer Welfare Month” na pasisinayaan sa Oct 3-7 sa Bureau of Soils and Water Management sa Visayas Ave. at Department of Agriculture central office sa Diliman, Quezon City. Ang tema ng pagdiriwang ay “Sapat, ligtas at abot-kayang pagkain para sa lahat.”
Ang buwang ito na inilalaan para sa mga konsumer ay taunang isinusulong ng National Consumer Affairs Council (NCAC). Sa mismong pagbubukas ng pagdiriwang humigit-kumulang mga 300 bisita at mga magsisilahok sa food at product exhibits at mga food technology demonstration ang dadalo.
Ayon kay Agriculture Secretary Proceso J. Alcala, ang tema ay tugmang-tugma sa mga programa ng Kagawaran na nagsusulong ng kasapatan sa pagkaing ligtas at mataas ang kalidad. Iyon ay bukod pa sa layuning ang pagkain ay abot-kaya ng mga konsumer lalo na ng mga karaniwang mamamayan at ng mga maralita.
Dagdag ni Alcala, ang 2011 ang pangatlong taon na ang DA ang host ng pagdiriwang at kasama ang mga ahensiya ng pamahalaan na kasapi sa NCAC gaya ng Department of Trade and Industry, Department of Health, DepEd, DENR, Department of Energy at DOTC. Kasama rin sa konseho ang apat na kinatawan ng mga consumer organizations at dalawang kinatawan mula sa sektor ng industriya at pagnenegosyo.
Bilang host sina Agriculture Assistant Secretary Salvador S. Salacup at Director Leandro H. Gazmin ng Agribusiness and Marketing Assistance Service ang mga punong abala kasama ang mga miyembro ng National Consumer Affairs Council na pinangungunahan ni Bb. Velma Lim. .
Ang Consumer Welfare Month ay ipinagdiriwang tuwing Oktubre batay sa Presidential Proclamation No. 1098 na inilathala nuong 1997. Pinasimulan ito ng NCAC at pinagtibay ng Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines na naglalayong mapabuti ang pangangasiwa, pag-uugnayan at bisa ng mga programang nagbibigay proteksiyon sa mga karapatan ng mga konsumer at mamimili. DA Information Service