“Nakakagalit! Hindi iligal na istruktura ang piketlayn!”
Ito ang sabi ni Nenita Gonzaga, vice-chairperson for women’s affairs ng Kilusang Mayo Uno, bilang reaksyon sa pag-demolish noong Martes, Set. 20 sa piketlayn sa Philbless Inc., sa Barangay Paso del Plas, Malinta, Valenzuela City.
Matapos bigyan ng 15 minuto ang mga manggagawa para umalis, binuwag ng dalawang trak ng demolition team ng MMDA Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) ang piketlayn, kung saan karamihan ng mga nagpipiket ay mga kababaihan sa nasabing pagawaan ng sako ng asukal.
Bago nito, hinanapan ng mga manggagawa ang demolition team ng papeles mula sa Department of Labor and Employment o ibang ahensya sa paggawa. Pero mayabang na sinabihan sila na basahin ang Building Code kung saan nakabatay raw ang demolition order ng MMDA at sinasabing iligal na istruktura ang piketlayn.
“Kahit sa kontra-maralitang pakahulugan nila ng ’iligal na istruktura,’ hindi ganyan ang piketlayn ng mga manggagawa. Ang piketlayn ay lehitimong porma ng protesta at hindi dapat i-demolish,” ani Gonzaga.
”Sa tingin namin, pag-atake ito ng kapitalista at ng gobyerno sa piketlayn, itinatago lang sa kunwari’y demolisyon ng iligal na istruktura. Iligal na ginamit ang MMDA para pagmukhaing iligal na istruktura lang ang piketlayn,” aniya.
”Kung lulusot, ilulusot nila. Pero hindi kami papayag,” dagdag niya.
Lehitimong protesta
Ipinaliwanag ng KMU ang lehitimong batayan ng piketlayn ng mga manggagawa sa Philbless, na isang taon at limang buwan nang nakatayo.
“Sino ang makakatiis sa dose-oras na trabaho at sahod na P275 dahil sa mga kaltas na di maipaliwanag? Hindi rin nagreremit ang kapitalista sa SSS, Pag-ibig, at Philhealth, bukod pa sa napakatagal nang kontraktwal ng mga manggagawa,” ani Gonzaga.
”Sa ganitong kalagayan, tama lang na itindig ang piketlayn ng mga manggagawa. Hindi katanggap-tanggap na bigla na lang itong ide-demolish ng MMDA dahil iligal na istruktura umano ito,” dagdag niya.
”Pinagsamantalahan na nga ang mga manggagawa sa loob ng pagawaan, sinusupil pa sila ng gobyerno kapag lumaban. Ang iligal dito ay ang matinding pagsasamantala ng kapitalista ng Philbless sa mga manggagawa. Iligal din ang ganitong pakikialam ng gobyerno gamit ang MMDA,” sabi ni Gonzaga. Nenita Gonzaga, Pangalawang Tagapangulo para sa Usaping Pangkababaihan-KMU