Mariin naming kinokondena ang kataksilan na ginawa ng mga kontra-tsuper na lider-transportasyon sa mga tsuper, manggagawa at mamamayan sa kakatapos na pambansang protestang bayan at welgang pantransportasyon nitong 19 Setyembre.
Pangunahin sa mga lider na ito si Atty. Vigor Mendoza, matagal nang tauhan ng mga Aquino at Cojuangco bilang dating abogado ng Hacienda Luisita Inc., ngayo’y lider ng 1-UTAK o 1-United Transport Koalisyon, at ahente ng Malakanyang sa sektor ng transportasyon. Kasapakat niya ang mga dilawang lider na sina Zenaida Maranan ng Fejodap, Obet Martin ng Pasang Masda, Efren de Luna ng Acto, Orlando Marquez ng LTop at Boy Vargas ng Altodap. Malinaw na ang mga lider na ito ang aming kinokondena, hindi ang masang kasapian ng kani-kanilang mga organisasyon.
Noong una, nakipagkaisa umano ang mga lider na ito sa mga panawagan ng Piston o Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide: sa P9.00 kagyat na rollback, pagtanggal sa VAT sa langis, at pagbasura sa Oil Deregulation Law. Nakipagkaisa rin umano sila sa paghahanda para sa isang welgang pantransportasyon. Nag-asta silang palaban at nag-ingay na maglulunsad nito sa naitakdang petsa.
Sa isang pulong noong 09 Setyembre, sa mga lider na ito pa nagmula ang pahayag na hindi haharap sa isang diyalogo sa Malakanyang bago ang welgang pantransportasyon. Anila, dapat magwelga muna para nasa “malakas na posisyon (position of strength)” ang sektor ng transportasyon kapag humarap sa diyalogo kay Pang. Noynoy Aquino. Pero noong inanunsyo ng gobyerno ang diyalogo, agad silang nagpahayag ng pagdalo.
Bago ang diyalogo, itinakda muna nila ang minimum na kahilingan sa gobyernong Aquino. Ang totoo, wala ni alinman sa minimum na kahilingan na ito ang ibinigay ng Malakanyang sa diyalogo na naging paghahapag lang ng mga kahilingan. Walang aksyon sa isyu ng langis, o kahit sa mga regulasyong pahirap sa mga tsuper katulad ng mahal na multa kapag nahuhuli sa mga paglabag sa mga simpleng batas-trapiko.
Sa kabila nito, nagpasya pa rin silang hindi lumahok sa welgang pantransportasyon na nauna nang itinakda sa 19 Setyembre. Nitong huli, may nakapagsabi mula sa grupo nila na noong 10 Setyembre pa lamang, noong natanggap nila ang imbitasyon ng Malakanyang, ay umoo na agad sila. Pagpapanggap na lang samakatwid ang pagsasabi nilang sasama sa tigil-pasada bago ang diyalogo. Magsasampa na lang daw sila ng kaso laban sa Oil Deregulation Law – na walang iba kundi pagpapatuloy ng pagpapanggap.
Nitong 18 Setyembre, inanunsyo ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ng pangulo, na inutusan ni Pang. Aquino ang Department of Transportation and Communication na pag-aralan ang paglalabas ng “pautang” para sa kumbersyon ng mga makina ng dyip na tumatakbo sa diesel patungo sa LPG o liquefied petroleum gas. Ang totoo, hindi lang “kumbersyon” ang kailangang gawin sa mga dyip para makagamit ng LPG, kundi palit-makina. Nagkakahalaga ito ng P200,000 hanggang P300,000 sa kada yunit ng dyip.
Kaduda-duda ang sinasabi ng mga lider-transportasyon na makakatipid ang mga tsuper sa makinang de-LPG. Matatandaang gasolina ang ginagamit dati ng mga dyip pero binago at ginawang diesel sa panahon ni Marcos, sa layunin ding makatipid. Hindi rin naman ligtas ang LPG sa overpricing at panghuhuthot na ginagawa ng kartel ng langis sa mga tsuper at mamamayan. Sa madaling salita, paglipat lang ito mula sa isang porma ng pagnanakaw sa mga tsuper at mamamayan patungo sa isang umano’y “mas matipid.”
Ang plano, idadaan sa bangko patungo sa mga lider ng nabanggit na mga grupong pantransportasyon ang “pautang” para sa palit-makina. Ang usap-usapan, kada grupong pantransportasyon, makakatanggap ng halagang katumbas ng para sa pagpapalit ng 100 makina, o P20 milyon hanggang P30 milyon – hawak ng mga nabanggit na lider.
Bukas na bukas sa korupsyon ang ganito. Hindi maaalis na isipin ng publiko na narito ang suhol ng rehimeng Aquino sa mga lider-transportasyon. Taliwas ito sa ipinagyayabang na “daang matuwid” ng rehimen. Konsistent naman ito sa rekord ng mga nabanggit na lider sa pakikipagkutsabahan sa kung sino man ang nasa Malakanyang. Kung totoo, kaso ito ng pagiging corrupt na pahirap sa mga tsuper at mamamayan. Nag-astang magpoprotesta ang mga nabanggit na lider para kumita. Sa dulo, naging eskirol sila sa welgang pantransportasyon ng mga tsuper at mamamayan.
Kinokondena namin ang mga nabanggit na lider sa itaas sa pagtataksil sa mga tsuper at mamamayan. Kinokondena namin ang rehimeng Aquino sa panunuhol sa mga lider-transportasyon at pag-atake sa lehitimong protesta ng mga tsuper at mamamayan. Ang mga lider na nabanggit at ang rehimeng Aquino – pareho silang tuta ng kartel ng langis sa bansa. Kasapakat sila sa pagpapahirap at pagnanakaw sa mga tsuper at mamamayan.
Tinatawagan namin ang publiko na kondenahin ang mga kontra-tsuper na lider-transportasyon, gayundin ang maka-kartel na rehimeng Aquino. Tinatawagan namin ang mga miyembro ng mga grupong nabanggit na iwanan ang mga lider nila, na ilang beses nang napatunayang nakikipagsabwatan sa gobyerno kontra sa mga tsuper at mamamayan. Patunayan natin na hindi sila nagtagumpay sa pag-atake sa ating protesta. Paigtingin natin ang ating pagkilos para igiit ang ating mga panawagan sa isyu ng langis. Lito Ustarez, KMU Vice Chairperson