NANINIWALA ang lokal na pamahalaan ng Taguig na Edukasyon ang susi ng pag-unlad ng isang tao. Isang magandang halimbawa ang naging iskolar ni Mayor Lani Cayetano na si Hazel Marie V. Tibule, taga Barangay Hagonoy ng nasabing lungsod.
Kongresista si Mayor Lani Cayetano nang mapabilang si Tibule sa nabiyayaan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng asawang Senador na si Alan Peter Cayetano.
Matatandaan na ang nasabing iskolar at salutatorian ng Western Bicutan National High School noong 2006 ay nakapagtapos ng Kursong Engineering sa University of the Philippines, Diliman at pang-siyam sa nakaraang Metallurgical Engineer Licensure Examination na nakakuha ng 81.60 porsiyento sa nasabing pagsusulit.
Nagpahayag ng kasiyahan si Mayor Lani sa natamong tagumpay ni Hazel at bilang pagkilala sa bagong Metallurgical Engineer ay pagkakalooban ito ng parangal ng lokal na pamahalaan ng Taguig sa pagpupunyagi nya sa pag-aaral. Patunay lamang umano na hindi hadlang ang kahirapan upang matamo ang tagumpay sa buhay.
Bunsod nito, inilunsad ng alkalde ang pitong (7) klase ng ‘scholarship’ sa programa ng Lifeline Assistance for Neighbors In-need (LANI). Kamakailan ay nailipat sa 14 na pribadong paaralan sa Taguig ang 1,500 mga estudyante ng pampublikong mataas na paaralan na binigyan ng Taguig Learners Certificate (TLC) na nilaanan ng P100 milyong pisong pondo para sa may 13,200 estudyante sa lungsod.
Nakatakda rin ang pagpapatayo ng paaralan at ‘day care centers’ upang bigyang kalutasan ang pagsisiksikan ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa Taguig.
Ayon kay Atty Darwin Icay, tagapagsalita ng alkalde na nais nitong manatili ang nasabing proyekto para sa mga kabataan lalo na sa mga matatalinong mag-aaral ng kanilang lungsod kahit wala na sya sa panunungkulan. Sa kasalukuyan ay naglagak ng pondong P1 bilyong piso para sa mga programang pang-edukasyon ng Lungsod ng Taguig. Cathy Cruz, DWAD Lingkod Bayan