SI Public Affairs Staff Director Hugo Yunzon ng Department of Agrarian Reform habang kinakapanayam nina Precy Lazaro (People’s Monitor) at Cathy Cruz (DWAD) sa ginanap na misa na idinaos sa kanilang tanggapan kaugnay sa pagdiriwang ng kaarawan ni Mama Mary. Binanggit din ni Dir. Buboy ang pagkakapasa ng 2012 Budget ng kanilang kagawaran kaya’t Masaya sila dahil malaking maitutulong umano nito sa pagpapatupad ng kanilang layunin na matapos ang pamamahagi ng agrikulturang lupain para sa mga magsasaka subalit niliwanag nyang hindi dahil natapos na ang LTI ay mawawala na rin ang kanilang ahensya. Depende pa rin umano ito sa kasalukuyang tinatalakay ng tatlong ahensya na pagsasanib puwersa ng mga Kagawaran ng Agrikultura (DA), Kapaligiran at Likas Yaman (DENR) at Repormang Agraryo (DAR) upang matiyak na ang mga magsasaka sa bansa ay mapaunlad ang buhay at kabuhayan na magdudulot ng kasiguraduhan ng maihahapag na pagkain sa bawat pamilyang Pilipino. Cathy Cruz, PSciJourn Mega Manila
PINAGTIBAY na ng Kamara kahapon ang 18.3 Bilyong Pisong pondo ng Kagawaran ng Agraryo para sa 2012 Budget dahil sa ginawang pagsulong at paninindigan ni Rep. Anna York C. Bondoc.
Napatunayan umano ng DAR na mapataas ang bilang ng agrikulturang lupaing ipinagkaloob sa mga magsasaka sa iba’t ibang lalawigan sa bansa kahit hindi sapat ang pondo nito ngayong 2011.
Sinasabing ang kabuuang 18.3 Bilyon Piso na 2012 Budget ay nakabaha-bahagi na sa ‘land tenure improvement’ na umaabot sa 10 Bilyon, 7.3 Bilyon naman sa programa ng pagpapaunlad ng mga makikinabang na magsasaka sa pamamagitan ng pangunahing panlalawigang proyekto, imprastraktura at pagsasanay. Samantala, 1 Bilyon naman para sa Agraryong Pangkatarungan paglilingkod.
Nagkaroon naman ng katuwang si Bondoc sa pamamagitan ni dating kalihim ng DAR na si Nasser Pangandaman na ngayon ay kinatawan ng AA Kasosyo Partylist.
Ayon kay Pangandaman, dahil sa kawalang pondo magpahanggang ngayon ay hindi pa rin magawa ng DAR na pagkalooban ang mga mahihirap na magsasaka ng pinansyal na tulong na mapautang man lang puhunan upang matiyak na ang kanilang lupang sinasaka ay hindi nila ipagbibili dahil sa kagipitan at sa halip ay lilinangin at pagyamanin ang lupang agrikultura na iginawad sa kanila. Sumang-ayon naman dito ang kinatawan ng Coop-Nattcco Partylist na si Cresente Paez.
Sinusugan ni Bondoc sina Pangandaman at Paez sa pangangailangan na maibalik ang pondo para sa ‘credit facility’ kasabay ang paghiling nito sa dalawa na tulungan syang maitulak ito hanggang sa DBM na mapagtibay.
Gayunpaman, sa pahapyaw na panayam ng inyong lingkod ay pinaghahandaan ngayon ni Director Teresita L. Panlilio ang mga karagdagang dokumento upang masigurong hanggang sa Senado ay susugan ng iba pang kinatawan mula sa Senado liban sa mga kinatawan sa Kamara ang 2012 Budget ng DAR. Cathy Cruz, PSciJourn Mega Manila