Mga kababayan: Grabe nang paghuthot at pagpapahirap ang ginagawa sa atin ng monopolyo sa langis. Napakataas na nga ng presyo ng langis, tuluy-tuloy pa itong tumataas, at may overpricing pa na P9.00 kada litro.
Ang laging sabi ng Petron, Shell at Caltex, gayundin ng gobyerno ni Noynoy Aquino, sinusundan lang daw nila ang paggalaw ng presyo sa pandaigdigang pamilihan. Huwag tayong maniwala sa panggagantso nila sa atin.
Ang monopolyo ng mga kumpanya ng langis ang nagtatakda at nagpapalobo ng presyo ng produkto sa pandaigdigang pamilihan. Sila rin ang nagtatakda ng presyo ng langis sa bansa, kaya nagagawa nilang mag-overpricing.
Kumita na nga sila sa galaw ng presyo ng langis sa mundo, kumikita pa sila sa P9.00 tongpats nila sa presyo sa ating bansa. Kapag tumaas ang presyo sa mundo, mas mataas ang itinataas nila. Kapag naman bumaba, mas mababa.
Kaya naman patuloy ang paglobo ng tubo nila. Nitong huli lang, nabalita ang mahigit 100% paglago ng tubo nitong Enero hanggang Hunyo ng Petron, na ang kalakhan ay pag-aari na ni Danding Cojuangco, tiyuhin ng pangulo.
Pinapatindi ng kartel sa langis ang paghihirap natin. Lalong lumiliit ang halaga ng napakaliit nating sahod sa harap ng nagtataasang presyo. Nitong huli lang, nabalita na isa sa pinakamababa sa mundo ang sahod sa Pilipinas.
Kasabwat ang gobyernong Aquino sa overpricing. Matagal na itong idinadaing ng iba’t ibang grupo, pero walang kibo si Noynoy. Lumalaki rin kasi ang koleksyon sa 12% Expanded Value-Added Tax sa paglobo ng presyo ng langis.
Gusto natin ng kagyat na ginhawa sa mataas at nagtataasang presyo ng langis. Dapat lang na iutos ng gobyerno sa kagyat ang P9.00 rollback sa kada litrong presyo ng langis. Pero hindi ito gagawin ng gobyernong Aquino nang kusa.
Kaya tinatawagan natin ang lahat: Labanan natin ang overpricing sa langis! Labanan natin ang sabwatan ng gobyernong Aquino at ng kartel sa langis! Kumilos tayo sa Agosto 31, Araw ng Paglaban sa Sabwatan ng Kartel at Pamahalaan!
Lumahok tayo sa Pambansang Araw ng Paglaban sa Sabwatan ng Kartel sa Langis at Pamahalaan. Lumahok tayo sa mga martsa at asembliya sa iba’t ibang panig ng bansa. Mag-ingay tayo. Isigaw natin ang ating mga panawagan. Kalampagin natin ang abusadong kartel at manhid na pamahalaan. Elmer “Bong” Labog, KMU Chairperson