Inaprubahan na ang Quezon City Council ang isang panukalang ordinansa na magbibigay daan sa computerization ng mga health center sa siyudad.
Layon ng ordinansa na ma-computerize ang record ng mga pasyente upang mabawasan ang mahabang paghihintay sa pagkuha ng kanilang records.
Napapanhon din ang computerization ng records sa pagkuha ng kinakailangang records at statistics sa iba’t ibang uri ng sakit na kailangang imonitor kung sakaling magkaroon ng outbreaks o epidemic at mabilis na pagsusuri sa performance indicators para sa maagap na pagbibigay lunas.
Kaugnay nito, nakatakdang magsagawa ang tanggapan ni Konsehal Raquel Malangen ng informal training para sa mga medical officers at health workers sa anim na barangay health centers sa District 4, na kinabibilangan ng Bgy. Kamuning, Tatalon, Kaunlaran, Pinayahan, San Isidro Galas at Dona Imelda simula sa ika-apat na linggo ng Agosto.
Sinabi ni Malangen na sasailalim ang mga ito sa informal training o refresher sa paggamit ng computers bago ipamahagi ng kanyang tanggapan ang tatlong desktop computer sets sa bawat health center sa District 4 simula Setyembre.
Ayon kay Malangen, ang mabagal na proseso sa paglalakad o pagkuha ng dokumento ay hindi lamang problema ng mga ahensiya o tanggapan ng gobyerno kundi maging sa mga health centers sa QC.
Bilang isang computer programmer at system analyst, sinabi niya na naniniwala na ang solusyon sa problema ay computerization.
Kasama ni Malangen sa pag-isponsor sa ordinansa sina Konsehal Precious Castelo, Francisco Calalay Jr., Dorothy Delarmente, Anthony Peter Crisologo, Ric Belmonte Jr., Joseph Juico, Alexis Herrera, Alfredo Vargas III, Eden Medina, Aly Medalla, Roderick Paulate, Godofredo Liban II, Julian Coseteng, Allan Reyes, Jaime Borres, Don de Leon, Gian Sotto, Eufemio Lagumbay, Jesus Sunta, Jessica Daza, Vincent Belmonte, Marvin Rillo, Ranulfo Ludovica at John de Guzman. Divine/ Maureen Quinones, PAISO