“Kahit pilit na itinatanggi, hindi maitago ng gobyernong Aquino ang pagka-alarma nito sa kasalukuyang pandaigdigang pampinansyang krisis matapos ang credit rating downgrade ng US. Dapat talagang maalarma ito.”
Ito ang pahayag ng Kilusang Mayo Uno bilang tugon sa mga pahayag ni Pangulong Aquino na normal lamang ang paggalaw sa lokal na ekonomiya at maliit lamang ang epekto ng kasalukuyang krisis sa Estados Unidos, na siyang ikalawa simula 2008, sa ekonomiya ng bansa.
“Ang ipinagmamalaki ni Aquino sa kanyang State of the Nation Address na pag-usad sa ekonomiya ng bansa na ipinakikita ng tumaas na credit rating natin ay hindi na tumutugma sa bumabagsak na pang-ekonomiyang indikasyon sa ngayon. Hindi na mapakali sa kanilang mga upuan ang mga tagapayo ni Aquino dahil sa tulu-tuloy na pagbagsak ng Philippine Stock Exchange, na ngayon ay nasa ikaapat na araw na,” ani Roger Soluta, pangkalahatang-kalihim ng Kilusang Mayo Uno.
“Inilantad lamang ng kasalukuyang ligalig sa US ngayon, na lalo lamang nagpapalala sa kondisyon ng pautang sa Europa, ang bangkaroteng karakter ng ekonomiya ng ating bansa – ang pag-asa sa dayuhang pamumuhunan at utang, OFW dollar remittances, at pokus sa pag-eeksport. Ang mga pang-ekomiyang polisiya ni Aquino tulad ng PPP, Philippine Labor and Employment Plan at ang kanyang Medium Term Philippine Development Plan ay hindi umalpas sa ganyang oryentasyon at sa halip ay lalong nagpa-igting ng pag-asa sa dayuhang pamumuhunan,” ani Soluta.
“Kung gayon, walang dapat asahan ang rehimeng Aquino kundi ang tulu-tuloy na paglubog ng lokal na ekonomiya,” dagdag ni Soluta.
Binalaan din ng KMU ang mga manggagawa at mamamayan kung ano ang ibig sabihin ng pandaigdigang pampinansyang krisis sa kanila.
“Ang pampinansyang krisis na ito ng mga dambuhalang korporasyon ay nangangahulugan ng mas matinding pagsasamantala at pahirap sa mga manggagawa at mamamayan – malawakang tanggalan at atake sa seguridad sa trabaho, mas mataas na buwis mula sa mamamayan at bawas sa gastos para sa serbisyong panlipunan. Tayo ang papasan ng bigat ng krisis habang ang pampublikong pondo ay ilalaan para isalba ang mga dambuhalang korporasyon at bangko na siyang may kagagawan ng krisis na ito,” ani Soluta.
“At ito ang dapat nating paghandaan. Asahan nating ang rehimeng Aquino na katulad ng rehimeng Obama ay gagamitin ang kasalukuyang krisis para magratsada ng mga anti-manggagawa, anti-mamamayan at maka-kapitalistang mga patakaran,” pagtatapos ni Soluta. Roger Soluta, KMU Secretary General