Mga disabled at illiterate, dapat makaboto nang hindi na tutulungan pa ng ibang tao.
Hinikayat ni Konsehala Eden “Candy” Medina ng ikalawang distrito ng Quezon City ang Commission on Elections (Comelec) na magdisenyo ng pamamaraan o sistema na magagamit ng mga disabled at illiterate para makaboto nang hindi na kailangan pang tulungan ng ibang tao.
Ayon kay Medina, simula nang magkaroon ng eleksyon noong 1907 sa ilalim ng American colonial government hanggang sa baranggay elections noong Oktubre 2007 o sa loob ng isandaan taon, ang sistema sa eleksyon ay manual o mano-mano.
Sa unang pagkakataon, aniya, gumamit ang Comelec ng automated machines noong May 2010 elections na naging matagumpay naman.
Sinabi ni Medina na sa kabila na automated na ang eleksyon ay kailangan pa rin ng mga may disabilities at illiterate ang tulong ng ibang tao dahil walang pamamaraan para makaboto sila nang nag-iisa.
Tulad ng pamamaraan sa manual elections ang ginamit ng mga illiterate at disabled sa pagpili nila ng gusto nilang kandidato at ipinagkakatiwala sa iba ang pagboto.
Ayon kay Medina, kung mayroong mga inisyatibo para gawing automated ang eleksyon ay dapat maghanap din ng pamamaraan ang Comelec para makaboto ang mga illiterate at disabled nang walang tulong mula sa iba. Divine/Maureen Quiñones, PAISO