BAGO pa man nagsimula ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III nitong nakaraang July 25 taong kasalukuyan, sinalubong na ito ng protesta mula sa ibat-ibang militanteng grupo na hindi sumasang-ayon at hindi kuntento sa nangyayari sa bansa natin sa ngayon.
Humigit kumulang sa 8,000 ang nakilahok sa nasabing protesta na kinabibilangan ng ibat-ibang grupo na nagmula pa sa malalayong lugar, ang mga ito ay nagsama-samang nagmartsa patungong Philcoa, Quezon City bago humimpil sa Commonwealth Avenue, IBP Road, Batasan Hills at Litex Road, at sa St. Peter Parish Church na kung saan doon ang itinalagang lugar ng kapulisan sa kanila para magsagawa ng programa.
Bago nagsimula ang SONA tinangka ng grupo na buwagin ang hanay ng kapulisan para makalapit sa pagdarausan ng SONA hindi nakalapit ang mga ito dahil hindi sila pinayagan ng tropa ng Quezon City Police District.
Hindi na nagpumilit ang grupo na makapasok kung kaya’t doon na mismo nila isnagawa ang programa na kung saan tinuligsa ng mga ito ang dati pang ipinangakong pagbabago ng pangulo noong nakaraang SONA na magpahangang sa ngayon umano ay hindi pa rin natutupad, katulad ng programa sa social change at transformation at ang political at economic reforms.
Isa sa naging sentro ng programa ang pagsunog sa dambuhalang effigy ng Pangulong Noynoy Aquino, pagpipinta ng naglalakihang ibat-ibang larawan ng pangulo na nagsisimbolo ng ibat-ibang pakahulungan na walang maaasahang tibay at pag-asa umano sa nakaupong pangulo, ayon sa mga nag poprotesta. Raffy Rico/ Jimmy Camba