SA KALAGITNAAN ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III ay inanunsiyo na nito ang napili na susunod na Ombudsman na si retired Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales.
Sinabi ng Pangulo na sa pagpasok ng bagong Ombudsman na si dating Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales ay magkakaroon na tayo ng tanod-bayan at hindi tanod-bayad ng mga nagwawang-wang sa pamahalaan.
Ayon sa pangulo, inaasahan nya na sa taong ito, masasampahan na ng kaso ang lahat ng nagkutsabahan sa katiwalian, na naging sanhi kung bakit naging ganito ang situwasyon ng bayan. Matatapos na rin di umano ang panahon kung kailan nagsasampa ang gobyerno ng malalabnaw na kaso.
Kapag ang gobyerno umano ang nagsampa ng kaso sa ngayon ay may matibay na ebidensya, malinaw ang testimonya, at siguradong walang lusot ang salarin, ayon pa sa Pangulo.
Tututukan umano ng pamahalaan na makamit ang ganap na katarungan ay hindi matatapos sa pagsasakdal lamang kundi sa pagkakulong ng may kasalanan.
Buo ang paniniwala ng Pangulo na tutupad ang DOJ sa tungkulin dahil malaki ang kanilang bahagi upang mai-pakulong ang mga salarin, lalo na sa mga kaso hinggil sa tax evasion, drug trafficking, human trafficking, smuggling, graft and corruption, extra judicial killings at maraming iba pa.
“We have consistently emphasized the need to have an Ombudsman who shall act for and in the interest of the Filipino people, one who shall not let Garcias and Bolantes go scot free without answering to the people,” wika naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Naniniwala si Pangulong Aquino na sa pag-upo ni Morales bilang bagong Ombudsman ay masasampahan ng kaso ang mga tiwali na sangkot sa mga anomalyang nabungkal ng kasalukuyang administrasyon.
“We wish Ombudsman Carpio-Morales luck, and we are confident that she will not fail to be what our people expect – a true Tanod ng Bayan,” ayon pa kay Sec. Lacierda. Raffy Rico/ Jimmy Camba