Pinamunuan ni Agrarian Reform Secretary Virgilio de los Reyes ang turn-over ceremony ng P13.5-milyong pisong post harvest facility na inilipat na sa pangangalaga ng mga magsasakang benepisyaryo ng 3M3BC agrarian reform community o ARC sa barangay Bunsuran, Pandi, Bulacan.
Ayon kay Secretary De los Reyes, ang naturang pasilidad ang magsisilbing trading center ng palay ng may 695 na magsasaka ng 3M3BC ARC at 400 karagdagang magsasaka mula sa kooperatiba sa Magiting cluster ARC.
Ang naturang proyekto ay mula sa Agrarian Reform Infrastructure Support Project phase 3 ng Department of Agrarian Reform o DAR na pinondohan ng Japan International Cooperating Agency.
Samantala, bago ang naturang aktibidad ay magkasamang ininspeksiyon ni Secretary De los Reyes at out-going Israeli Ambassador Zvi Vapni ang isang techno-demo farm sa kaparehong barangay.
Ang naturang demo farm ay naitayo mula sa proyektong Philippine-Israeli Center for Agricultural Training phase o PICAT 2 na layong maturuan ang mga magsasaka ng mga makabagong pamamaraan ng pagtatanim mula sa teknolohiya ng bansang Israel. Jose Norman Tamayo, DAR-PAS