Upang matugunan ang problema at isyu ng mga magsasaka sa mga liblib na lugar sa Gitnang Luzon, muling isinagawa ang Mobile Rice Teknoklinik.
Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagpunta ng mga eksperto sa isang lugar upang bigyang kasagutan ang mga katanungan ng mga magsasaka, gayundin maari pang magkaroon ng konsultasyon sa pagitan ng magsasaka at eksperto. Isa ito sa pinaka mabisang paraan upang magkaroon ng inter aksyon ang mga magsasaka at mga eksperto.
Sa naganap na Mobile Rice Teknoklinik, nagsilbing tagapag-salita ang ilang eksperto mula sa Technology Management and Services Division o TMSD ng PhilRice. Ilan lamang sa mga bayan sa Gitnang Luzon na nakabilang sa aktibidad na ito ay ang Tarlac, Aurora, Bataan, Zambales, Nueva Ecija, at Zambales. Dito itinaguyod ang PalayCheck at Palayamanan bilang pangunahing programa ng PhilRice.
Maliban sa konsultasyon at kasagutan mula sa mga eksperto, ayon kay Anita Antonio, head ng TMSD, isa rin itong paraan upang magkaroon ng kaalaman ang mga magsasaka sa mga bagong teknolohiyang pagpapalay gayundin ang mga programa ng Kagawaran ng Agrikultura sa pamamagitan ng Agri Pinoy.
Ang aktibidad na ito ay isinasagawa sa tulong ng Agriculture Training Institute o ATI at Kagawaran ng Agrikultura – Regional Field Unit 3. Yen Solsoloy, PhilRice