Walang makatatalo sa gatas ng ina para sa kalusugan ng mga sanggol.
Ayon sa mga dalubhasa, ang gatas ng ina ang pinakamasustansiyang pagkain para kay baby.
Kayang ibigay ng gatas ng ina ang lahat ng sustansiyang kailangan ng sanggol sa unang anim na buwan ng kanyang buhay, ayon pa rin sa mga eksperto.
Taglay ng breastmilk ang mga sustansiyang kailangan ni baby sa tamang proporsyon at dami ng sustansiyang kinakailangan ng sanggol sa unang anim na buwan ng kanyang buhay.
Ito ay madaling matunaw at ma-absorb ng sanggol at hindi din ito nagdudulot ng allergy.
Ang gatas ng ina ay malinis at laging available sa tamang temperatura, kaya ang sanggol ay hindi makakaranas ng pagtatae o diarrhea.
Ang pagpapasuso o breastfeeding ay masasabing magandang karanasan ng isang babae.
Sa pagpapasuso ay lalong napapalapit ang anak sa ina dahil damang-dama ng sanggol ang init ng pagmamahal na nagmumula sa dibdib ng ina.
Ang pagpapasuso ay napakahalaga dahil ito ay maalwan o magaan para sa ina at sanggol, walang gastos, hindi na kailangang maghugas at mag-sterilize ng mga bote at tsupon at hindi na paghihintayin nang matagal si baby para makasuso.
Hindi na rin kailangang bumangon sa gabi para ipagtimpla ng gatas ang anak dahil ang gatas ng ina ay instant at laging available kahit anong oras.
Para sa ina, nakatutulong ang pagpapasuso upang maibalik sa normal na laki ang kanyang matris.
Ang tuloy-tuloy na pagpapasuso o iyong madalas at walang patlang na pagpasuso sa loob ng unang anim na buwan at mahigit pa dito ay makakatutulong rin sa pag-iwas sa agarang pagbubuntis ng ina.
Ang pagpapasuso ay nakapagpapababa din ng posibilidad na magkaroon ng breast cancer ang isang ina.
Kaya’t halina, ating hikayatin ang lahat ng kababaihang buntis at balak magbuntis na piliing ibigay ang gatas ng ina sa kanilang mga sanggol.
Tandaan, ang pagpapasuso ang isa sa pinakamahalagang kilos upang mapangalagaan ang mga bata laban sa malnutrisyon.
Ayon sa pangalawang mensahe ng Gabay sa Wastong Nutrisyon o Nutritional Guidelines for Filipinos na binalangkas sa pamumuno ng Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology (FNRI-DOST), “Pasusuhin ang sanggol ng gatas ng ina laman mula pagkasilang hanggang anim na buwan at saka bigyan ng mga angkop na pagkain habang pinapasuso pa.”
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagkain at nutrisyon, lumiham o tumawag kay Dr. Mario V. Capanzana, Director, Food and Nutrition Research Institute-DOST, Bicutan, Taguig, Metro Manila, Tel. No. 837 2934 or 837 2071 loc. 2287, email: mvc@fnri.dost.gov.ph, website: http://www.fnri.dost.gov.ph. (FNRI-DOST S & T Media Service: Press Release – DIVORAH V. AGUILA)