SA ginanap na Communication and News Exchange Forum sa Philippine Information Agency kamakailan, binanggit ni NFA Administrator Angelito T. Banayo na mas maganda kung ang prebadong sector ang magsasagawa ng importasyon ng bigas dahil ang mga ito ang mas may kakayahan pagdating sa pamumuhunan.
Ayon kay Banayo ang National Food Authority ay binuo anim (6) na araw matapos ideklara ang Martial Law ng dating Pangulong Ferdinand Marcos batay sa Presidential Decree No. 4 September 26, 1972 na dating National Grains Authority (NGA).
Ayon sa NFA Adminitrator taong 1972 hanggang 2000 ay 12.9 Bilyong piso lamang ang pagkakautang ng NFA. Subalit sa buwan ng Enero 20, 2001 sa pag-upo ng administrayong Arroyo ay lumaki ito ng halos 50% o halagang 18.2 Bilyon, Lumobo umano ito ng halos 177 Bilyong piso.
Dagdag pa ni Banayo , gumawa sila ng hakbang para masulusyunan ang problema sa pinansiyal at hindi tamang pamamalakad sa NFA, Kinailangan pa umano nilang kumuha ng pribadong sector na magtutustos sa pampinansiyal na pangangailangan ng ahensya at upang masimulan na ang pagsasagawa ng ‘Auditing’ ang CommIssion on Audit. Sinasabi sa huling talaan na ang pagkakautang ng NFA ngayong buwang ng Hunyo 2011 ay 154 Bilyong piso na lamang.
Sinasabi ni Banayo na mas maganda kung ang magsasagawa ng importasyon ng bigas ay ang pribadong sector, upang hindi na umano si Juan Dela Cruz ang may pagkakautang sa bangko o sa alin mang Financial Institution. Dagdag pa ni Banayo na mas kaya ng pribadong sektor ang mag-angkat ng bigas dahil sila ang may pinansyal na kakayahan.
Nangangamba naman ang publiko sa pasasapribado ng importasyon ng bigas , dahil baka samantalahin na naman ito ng mga kapitalistang mapagsamantala at ganid. Magkaroon na naman umano ng pagkakataon na kontrolin ang presyo ng bigas na siyang lalong magpahirap sa bansa.
Subalit tiniyak naman ni Banayo na babantayan nila ang bawat kilos ng mga negosyanteng mag-iimport dahil kaakibat umano ng kanilang responsibilidad ay ang regulasyon sa presyo ng bigas. RAFFY RICO