(NASA larawan sina MMDA Chairman Francis N. Tolentino at General Manager Corazon T. Jimenez sa isinagawang lingguhang Health Forum sa Quezon City)
SA isinagawang Health Forum ngayong Martes, Hulyo 5, 2011 na kinabilangan ng mga tagapagsalita mula sa iba’t ibang sector kaugnay sa ipinatutupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nang mahigpit na pagpapatupad ng Pagbabawal ng Pagsisigarilyo sa Publiko batay sa Republic Act 9211 “An Act Regulating the Packaging, Use, Sale Distribution and Advertisements of Tobacco Products and For Other Purposes”.
Ayon kay MMDA Chairman Francis N. Tolentino na sa apat (4) na araw na pagpapatupad ng nasabing batas ay nasa 983 na ang mga nahuli, 500 mahigit umano rito ay mga nahuli ng MMDA at natira ay pawang nahuli ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay General Manager Corazon T. Jimenez na kabilang sa mga lugar na bawal manigarilyo ay paaralan, ‘elevator’, gasolinahan o mga lugar na posibleng sumabog, hospital, mga matataong lugar tulad ng hatiran o sakayan ng mga tao gayundin sa lugar kung saan nagluluto ng pagkain o kainan. Kabilang din sa ipinagbabawal ay sa mga sasakyang pampubliko tulad ng bus, jip at tricycle.
Aminado ang Philippine Medical Association na marami pa sila kailangang gawin sa kanilang hanay upang ang pagkagumon sa sigarilyo ng maraming Pilipino ay magamot tulad ng mga pasilidad at serbisyo upang maabot ng karaniwang mamamayan.
Binanggit naman ni Chairman Tolentino na pinaiigting nila ang pagsasakatuparan ng nasabing batas para na rin sa kalusugan ng mamamayan kasabay ng kanyang panawagan na ang lahat ng lokal na pamahalaan ay dapat magkaroon ng Ordinansa kaugnay dito. Aniya, katuwang na rin ngayon ng MMDA ang kapulisan sa pagpapatupad ng RA 9211 dahil sa inilabas na kautusan ni DILG Secretary Jessie M. Robredo noong Hulyo 1. Cathy Cruz, PSciJourn Mega Manila