KUSANG nagsara ang Imperial Health Palace kaninang tanghali (Hunyo 17, 2011) bunsod ng paglabag sa Quezon City Ordinance No. SP-91, S-93 as amended by Ordinance No. SP-1080, SP-2001 and further amended by Ordinance No. SP-1148, S-2002.
Ayon sa Mission Order na inilabas ni Business Permits and License Office (BPLO) Officer-In-Charge na si Pacifico F. Maghacot, Jr. kay Head Inspection Division Alfonso L. Mora para sa Imperial Health Palace ay may paglabag ang anim (6) Therapists nito na walang yellow card at isinumiteng FSIC, LC, CP, CEI at sinasabing may ‘view room’ o parang aquarium ang nasabing establisyemento.
Bago pa naibigay ang nasabing Mission Order ay nagsagawa na ng kusang pagsasara ang may-ari na si Arlene Advincula. Subalit nananatiling pinababantayan ni G. Pacifico Maghacot ang nasabing establisyemento liban na lamang kung isasaayos ang mga paglabag na nakasaad sa ibinigay na kopya ng Violation Report ni G. Mora.
Kasabay din nito ay nagsagawa na rin ng inspeksiyon sa karatig lugar ay ilan sa mga nakitang may paglabag ay ang FHM Club o Frenzy Hot Models Disco & KTV na pagmamay-ari naman ni Romeo Yu, gayundin ang kalapit ng Imperial Health Palace na Queen’s Chamber na pagmamay-ari naman ni Cesar D. Dolores.
Sinabi ni G. Mora na araw-araw ay nagsasagawa ng operasyon ang mga inspektor ng BPLO subalit dahil sa dami ng mga establisyemento sa Lungsod Quezon ay hindi nila kakayanin na bantayan ang mga ito kaya’t malaking bagay umano na maging katuwang nila ang publiko na magbantay at magsumbong sa kanilang upisina upang kaagad nilang aksyunan. Cathy Cruz/Raffy Rico