KINILALA ni DSWD Usec Alicia Bala ang DAR Employees Foundation Inc. sa pangunguna ni Violeta M. Bonilla sa mga paglilingkod at pagtulong sa kapwa lalo na sa mga kapwa kawani ng pamahalaan, Chairman and President kasama ang mga opisyal ng DSWD. Mula sa kaliwa Concha Morales at Ricardo Gamboa, dulong kanan naman sina Vicenta Naraja at ARaceli Domingo pawang BOD ng DAREFI.
GINAWARAN ng pagkilala ang Chairman and President ng DAR Employees Foundation, Inc. (DAREFI) na si Bb. Violeta “Ying” M. Bonilla kasama ang ilan sa mga Board of Trustees na sina Vicenta Naraja, Concha Morales, Araceli Domingo, at Ricardo Gamboa sa pagiging katuwang ng pamahalaan sa pag-aambag na mapaangat ang buhay ng mga mahihirap o ng hanay sa lipunan na lubhang nangangailangan ng tulong.
Sa naganap na “Awarding of Registration, License and Accreditation Certificates” nitong Lunes, Mayo 30, 2011 sa DSWD Central Office ay kabilang din ang pito (7) pang mga organisasyon na kinabibilangan ng Antipolo Seminary Foundation, Inc., Defending Damily Values Foundation, Inc., Association Compassion Asian Youth, Inc., The Salvation Army Social Services, Incorporated, Caritas Manila, Inc., Odyssey Foundation, Inc., at Mother Ignacia National Social Apostolate Center, Inc.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay napatunayang ang DAREFI ay patuloy na nagkakaloob sa mga kasapi nito ng murang serbisyong pangkalusugan gayundin ng tulong pinansyal, pangkabuhayan at mga pang-edukasyong programa sa ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng bansa. Tinagurian ng DSWD ang DAREFI bilang “Auxiliary Social Welfare and Development Agency” o SWDA na nagpapatakbo bilang People’s Organization na nilagdaan ni Undersecretary for Policy and Program Alicia R. Bala.
Matatandaan na taong 1998 pa nang nagsimula nang operasyon ang DAREFI na binubuo ng mga kawani ng Department of Agrarian Reform (DAR). Dahil sa karanasan ng butihing Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) ng Land Tenure Documentation Division ng Bureau of Land Acquisition and Distribution (LTDoc-BLAD) ay naisip na magtatag ng magsisilbing pundasyon at haligi na puwedeng kapitan ng mga empleyado ng DAR na posibilidad na mawalan ng trabaho pagkatapos ng programa ng nasabing ahensya.
Nakita nyang matindi ang pangangailangang pangkalusugan ng mga manggagawa ng pamahalaan tulad ng kanilang ahensya at kadalasang dahil sa kakulangan ng pananalapi upang makabili ng gamot at mailigtas ang buhay ng mismong kawani o pamilya nito ay hindi nagtatagumpay sa halip kundi nababaon sa utang at namamatay din paglaon dahil hindi magawang maipagpatuloy ang kasiguraduhang makapagpatingin sa doktor, dito isinilang ang Med+Care Plus Plan.
Hindi biro ang mga dinaanan ng nasabing organisasyon subalit dahil sa pagkakaisa ng mga Board of Trustees ng DAREFI katuwang din ang mga naging tauhan na rin ng nasabing organisasyon na mula rin sa mga pamilya at kamag-anak ng mga empleyado ng DAR ay patuloy ang pagtatag nito.
Mula sa programang serbisyong pangkalusugan, tiniyak din ng DAREFI na makapag-impok, magkaroon ng kabuhayan at matiyak na mapag-aral ang mga anak ng taga-DAR na tinagurian naman nilang Employees Retirement Welfare Fund.
Sa kabilang banda, sinasabi ng Pangulo ng DAREFI na kung ang mga miyembro ay may karapatan sa mga kapakinabangan ay may obligasyon din ang mga namumuno sa mga kasapi nito na nagtiwala. Kung kaya’t sinisiguro din nya na ang mga kawani na may pagkakautang bilang panimulang pagnenegosyo, pagpapaaral, pambili ng gamot o tulong medikal ay maibalik dahil ito ay mula rin sa mga empleyado ng DAR na nag-impok upang pagdating ng takdang panahon ay maibalik na may kaakibat na interes upang kanilang magamit din sa panahon ng kanilang pagreretiro o pagkawala sa serbisyo sa gobyerno.
Sa kasalukuyan, naniniwala si Ms. Ying kasama ng kanyang mga Board of Directors ng DAREFI na patuloy na tatatag at aangat ang kanilang organisasyon upang higit na marami pang makinabang at maabot ng kanilang serbisyo at tulong na pawang mga kawani ng gobyerno. Cathy Cruz, PSciJourn Mega Manila