AMINADO si Assistant Director for Administrative Services Francisco M. Gomez, Jr. ng Philippine Heart Center na binigyan sila ng Notice ng Quezon City Treasurer na si Edgar T. Villanueva sa hindi pagbabayad ng Real Property Tax (RPT) simula noong 1996 na nasa halagang P38, 539,554.10 hanggang sa unang bahagi ng taong 2011 na P7,558,692.22 may kabuuang halaga ng pagkakautang na P46,098,246.32.
Sa pakikipanayam kay ADIR Gomez ng Heart Center na nakipag-usap sila sa kay Mayor Herbert Bautista at City Administrator Victor Edriga upang humingi ng ‘tax exemption’ ang nasabing hospital dahil ikinukumpara nya sa ibang Government Owned and Control Corporation (GOCC) na nanatiling hindi sinisingil ng pamahalaan sa RPT.
Dagdag pa nya na magiging dagdag pasanin ito ng hospital dahil malaki rin umano ang lugi nito dahil tinatayang nasa 200 milyong piso ang singilin sa mga pasyente na naserbisyuhan na nila maliban pa sa pagkakautang din ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nasa 39 na milyong piso.
Samantala, ayon kay Quezon City Treasurer Edgar T. Villanueva na hindi puwedeng maging rason ng sinuman lalo na kahit pinamamahalaan pa ng gobyerno ang hindi magbayad ng obligasyon katulad ng Philippine Heart Center (PHC).
Nakatakdang makatanggap muli ang ikalawang demand letter ng PHC upang bayaran nila ang labing limang taon (15) na pagkakautang nila sa RPT sa Lungsod Quezon sa susunod na linggo. Kung hindi pa rin umano magbabayad ang nasabing ospital ay makatatanggap sila ng Warrant of Levy bago ito tuluyang maisasama sa mga ari-arian na masusubasta sa publiko. Inaasahan na magkakaroon ng Real Property Auction ng Kyusi sa darating na Hulyo 7.
Mababanaagan kay Villanueva ang katatagan ng kanyang desisyon na maningil ng buwis sa Heart Center at sa sinumang hindi nagbabayad ng kaukulang buwis sa siyudad. Naging malaking dahilan din umano ang hindi pagkilala ng mga ‘referreral letters’ ng lokal na pamahalaan ni Dr. Gerardo S. Manzo na syang bagong Administrador ng nasabing hospital.
Sa kabilang banda, kinumpirma sa amin ni City Administrator Victor Endriga ang pakikipag-usap ng pamunuan ng Heart Center nang nagpunta sa kanyang upisina sina Dr. Gerardo S. Manzo at Assistant Director Gomez upang humingi ng ‘tax exemption’ sa Punong Lungsod.
Sa naganap na pag-uusap nina Mayor Herbert Bautista, City Administrator Victor Endriga, Dr. Gerardo S. Manzo at Assistant Director Gomez na hindi pumayag ang Punong Lungsod na mabigyan ng ‘tax exemption’ dahil ayon sa batas ay sampung (10) taon ang ‘tax holiday’ ng pagbabayad ng buwis na puwedeng ipagkaloob sa mga GOCC mula nang magsimula sila ng operasyon at ito ay noong 1975 pa. Naging maluwag na nga umano ang lokal na pamahalaan dahil simula 1996 lamang ang sinisingil na RPT.
Binigyan na lamang ng pagkakataon ng alkalde ang PHC na magsumite ng kanilang mungkahi kung paano puwede magkatulungan ang dalawang panig. Dagdag pa ni City Administrator Victor Endriga na tinalakay din kung bakit mula Marso 2011 ay hindi na tinatanggap ang mga ‘referral letters’ ng kyusi gayong nagkaroon ng kasunduan ang alkalde at ang PHC na maglalaan ng ‘discriptionary fund on medical services’ na nagkakahalaga ng 10 milyong Piso kada taon katulad ng St. Lukes Hospital at National Kidney Institute.
Pangangatwiran umano ni Manzo na basta na lamang umano pinirmihan ng nakaraang pamunuan ng Heart Center at hindi ito tinalakay at napagkasunduan sa kanilang Health Board. Humingi rin umano si Manzo na ibaba ang ‘discretionary fund’ dahil binawasan umano ng 100 Milyong piso ang budget na inilaan sa kanila ng Department of Budget and Management (DBM).
Binanggit din ni CA Endriga na siniguro ni Mayor Herbert Bautista na kung anuman ang puwede maitulong ng lokal na pamahalaan upang bigyang ayuda ang PHC ay nakahanda ito subalit kinakailangan na tulungan din ng nasabing hospital ang mga pasyente ng kyusi na nangangailangan din ng kanilang serbisyo.
Sa pagtatapos ng pakikipanayam ng inyong lingkod at ni Raffy Rico ng Manila Star kay City Administrator Endriga na naniniwala siya na maayos din ito subalit kinakailangan na agarang magsumite sa kanila ang PHC ng kanilang mungkahi dahil ang lokal na pamahalaan ngayon ay mahigpit sa implementasyon ng paniningil ng buwis at sinuman ay hindi ligtas dito.
Magkagayunman aniya hindi tama na ang gobyerno sa gobyerno ang mag-away o hindi magkasundo dahil sa huli ang publiko pa rin ang apektado. Cathy Cruz, PSciJourn Mega Manila