Walang fee o voluntary contribution na requirement o kondisyon para sa enrollment o graduation ng mga estudyante sa public schools sa Quezon City .
Sa panukalang ordinansa na inihain ni Councilor Ranulfo Ludovica, gagawing labag sa batas sa mga school authorities at miyembro ng Parents-Teachers Association (PTAs) sa mga public schools sa QC na ipilit ang pagpapabayad ng anumang fee o voluntary contribution bago o bilang kondisyon sa enrollment at graduation ng estudyante.
Ayon sa konsehal, may mga kontribusyon na pinapayagan ang Department of Education (DepEd) na makolekta mula sa mga magulang at estudyante tulad ng boy/girl scouts membership, anti-TB fund drive, PTCA, school publication at membership sa student organizations, subalit pawang boluntaryo lamang ito at hindi kondisyon sa admission o graduation ng estudyante sa anumang eskwuwelahan.
Sinabi ni Ludovica, presidente ng QC Liga ng mga Barangay, na may mga opisyal ng eskuwelahan at PTA members na ginagawang mandatoryo ang koleksyon ng kontribusyon o fees bago ang enrollment o graduation.
Upang mapigil ang ganitong gawi, nagpalabas ang DepEd ng kautusan para sa pagpapatupad ng “No collection policy” sa lahat ng public elementary at secondary schools.
Subalit sa kabila ng kautusan, may mga paaralan at PTA members ang patuloy sa pag-oobliga sa pagkolekta ng kontribusyon.
Sinabi ni Ludovica na ang ganitong aktibidad ng ilang paaralan ay nagresulta sa patuloy na pagtaas ng bilang ng out-of-school youth na nakaapekto na rin sa public order and safety at pagdami ng street children sa Metro Manila.
Sa ilalim ng panukala, ang pinuno o principal at PTA president ay inaatasang maglagay sa bulletin board ng school fees at voluntary contributions na babayaran ng magulang o estudyante sa boluntaryong paraan.
Multang P5,000 o pagkakakulong ng isang taon, o pareho depende sa desisyon ng korte, ang ipapataw sa mga lalabag dito.
Kapag ang pinuno ng paaralan o principal at PTA president ay lumabag sa paglalagay ng impormasyon sa bulletin board ay pagmumultahin naman ito ng P1,000. -30- Divine/ Maureen Quinones, PAISO