Habang ang buong mundo ay dumaranas nang malawakang pagguho ng pandaigdigang ekonomiya at sistemang pananalapi, sa kabila ng marami at paulit-ulit na mga babala ng LaRouche Movement; ang isang pabayang pamahalaan, mga walang kakayanang mga tagapamahalang ekonomista, at mga litong mamamayan ay walang magawa’t nakatunganga na lamang sa walang humpay na pagtaas sa presyo ng mga bilihin;
Habang ang mga patakarang pang-ekonomiya gaya ng malayang pag-aangkat (import liberalization), pagsasapribado at deregulasyon, maging ang ating pag-angkop bilang isang “ekonomiyang naninilbihan” na lubhang nakasandal lamang sa pangingibambansa ng mga Pilipino bilang mga alila, sa halip na paunlarin ang ating pansakahang industriyal na naglilikha ng tunay na trabaho, ay napatunayang naging daan upang sirain ang kakayanan ng ating lipunan na manatili bilang isang bansa;
Habang ang sistemang “floating-exchange rates,” na ipinatupad noong 1971-1972, ang nagsilbing paraan upang ang mga sakim at ganid na nagpapautang sa buong mundo, ang Inter-Alpha Group o mga institusyong pinansyal, na kinakatawan ng IMF, na magpataw ng paulit-ulit at walang humpay na pagpapaliit ng halaga (devaluation) sa ating pananalapi, nang sa gayon ay kusa at malupit na nadaragdagan ang ating nakaimbak na utang panlabas, at imoral na pagbabayad nito;
Habang ang ating bansa ay isinuong sa halos lubos na pag-asa lamang sa pag-aangkat ng langis, sa pamamagitan ng pagbasura ng maaaring naging pangunahing pinagmumulan ng pinakamatipid, maaasahan, at katutubong pagkukunan ng enerhiya—ang Bataan Nuclear Power Plant.
Habang ang kasalukuyang umiiral na kalagayan ng buhay ay malubhang lumalala sa antas na hindi pa nararanasan sa kasaysayan at sa hindi matiis na kalagayan, kung saan ang kawalang pag-asa at pagsuko na lamang ang nakayayanig na katotohanang hinaharap ng mga Kinalimutang mga Pilipino;
Habang ang kasalukuyang gobyerno ay paulit-ulit na napatunayan ang kanyang malalang kawalang kakayanan, sagad sa kurapsyon at walang-awa at damdamin sa tumitinding kalagayan ng kahirapan na dinaranas ng taumbayan;
Habang ang makapangyarihang mga pulitiko, maimpluwensyang negosyante, at mga “econoquacks” sa edukasyon, ay nagkaisa na iligaw ang mamamayan sa paraan ng mga dinoktor na survey, gawa-gawang statistika, mapanlinlang na propaganda at maling edukasyon;
Habang ang ating mga kababayan ay hinahandugan ng mga “libangan pampulitika,” na halos hindi naiiba sa mga pang araw-araw na telenobela, ng mga pulitiko na inaalok ang kanilang mga sarili bilang panghaliling mga pinuno, siksik sa mabubulaklak na pananalita ngunit salat at hubad sa mga dakilang kaisipan, ay patunay lamang ng kanilang kakulangang karunungan at pag-uunawa sa mga suliranin. At ang kakapusan ng hinihiling na kagitingan upang gawin ang tama at harapin ang tunay na suliranin upang mailigtas ang mga buhay ng mga nagugutom na Pilipino;
Habang tayo’y patuloy sa paglala patungo sa kaguluhan at anarkiya, dumaranas ng pagkawalang kakayanan ng pamahalaan upang ipagkaloob ang mga pangunahing paglilingkod, sa pangangalagang pangkalusugan at pangkapayapaan at pangkaayusan, na dinagdagan pa ng paglaganap ng mga kriminal-pulitiko na “warlords” na sangkot sa jueteng, droga at buong pagmamataas na namamayagpag ng walang pakundangan;
Panahon na upang isakatuparan ang ating karapatan, at tuparin ang ating mga tungkulin, bilang mga mamamayan at mga makabayan ng Republika ng Pilipinas, na obligahin itong kasalukuyang pamahalaan, na ipatupad ang mga agarang pangunahing hakbangin para sa kaligtasan ng ating bansa upang agad na maiwasan ang karagdagang pagbubuwis ng buhay ng mga Pilipino dahil sa gutom at karamdaman, at mabigyan ng katiyakan ang pag-unlad ng mga susunod na salinlahi;
Sa mga layuning ito, mariin naming iminumungkahi ang mga sumusunod na agaran at nararapat na mga hakbangin na dapat ipatupad sa lalong madaling panahon:
1) Ang agad na PAGPAPATUPAD NG ISANG MALAWAKANG MAY-BISANG AGHAM NA IMPRASTRAKTURANG PROGRAMANG PAMBANSANG PAGLIKHA NG PAGKAIN (science-driven, infrastructure-based massive national food-production program), upang paramihin ng ikalawa, ikatlo o ikaapat na beses ang panustos ng pagkain, pinangungunahan ng gobyerno at lahat ng kanyang mga sanghay, pampribadong sektor, at mga samahang sibika. Ito ang dapat maging pangunahing proyekto ng gobyerno bilang pasimulang pangtanggol laban sa pinakamalubhang implasyon (hyperinflation);
2) Ang PAGPAPAANDAR NG BATAAN NUCLEAR POWER PLANT bilang bahagi ng isang programang pagpapaunlad ng enerhiya na binubuo ng lahat ng uri ng mga mapagkukunan ng enerhiya at agad na magtatag ng Programa sa Pagpapaunlad ng Enerhiyang Nukleyar, hindi lamang upang magbigay ng pinakamalinis, at pinakamatipid na kuryente, maaasahang mapagkukunan ng enerhiya para sa pag-unlad ng pansakahang industriyal, patubig at mga pamamahalang pangasiwaang panubig (irrigation and water management systems), mga sistemang pangmaramihang sasakyan na pangkalahatan (mass-transit systems), kundi upang siyasatin pa ang iba pa nitong mga kapakinabangan, partikular ang paggawa ng maiinom na tubig mula sa mga plantang pinaaandar ng nukleyar na nag-aalis ng asin sa tubig-dagat (nuclear-powered desalination plants), ang paglilikha ng mga “isotopes” na ginagamit sa makabagong mga pasilidad ng pagamutan, at ang paggamit ng ‘hydrogen’ bilang pamalit na mapagkukunan ng panggatong;
3) Ang PAGHAYAG NG PAGLIBAN NG PAGBABAYAD NG UTANG PANLABAS, ngayon ay higit sa $10 bilyong dolyar bawat taon, pagbayad ng malupit-pasakit na mga utang, na natamo lamang sa pagpapaliit ng halaga ng ating Piso, at tinitipon sa pamamagitan ng mabisang pagpapatupad ng Value Added Tax, o isang uri ng buwis para sa lahat ng mga namimili at kumukonsumo, pagtaas ng singil sa kuryente at tubig, buwis sa paggamit ng kalsada (highway toll-fees); pagtaas ng singil sa iba pang mga imprastrakturang pampubliko at mga kalakal, na lubhang pinabibigat ang buhay ng mamamayan;
Hindi lamang ang mga ito ang sagot sa mga pinakamalalang suliranin ng ating bansa. Ngunit kung tayo ay kikilos bilang isang bansa sa pagharap sa isang mapanluray na paparating na pandaigdigang krisis pang-ekonomiya, ang aragang pagkilos sa ganitong mga pamamaraan ay kinakailangan, ang alternatibo ay isang antas ng taggutom at kamatayan na hindi pa nararanasan sa ating kasaysayan.
Ang tunay na PAMUMUNO ay inaasahang paglilingkuran ANG KAPAKANAN NG MGA MAMAMAYAN at wala nang iba pa. Siya ay inaasahang maghahatid ng KATOTOHANAN LAMANG, at hindi mga kasinungalingan. Siya ay inaasahang MAGLIGLIGTAS NG BUHAY, at hindi sirain ito. Kung itong kasalukuyang pamahalaan ay patuloy na pagtataksilan ang kanyang sinumpaang tungkulin, at maging sanhi ng labis na paghihirap at pasakit, na lalagpas sa kakayanan ng pasensiya at pagtitiis ng mga Pilipino, nanganganib ang gobyerno na mapalitan sa pamamagitan ng MALAYANG KALOOBAN NG MGA MAMAMAYAN, kahit ito pa ay nangangahulugan ng pagbuwis ng kanilang mga buhay.
Nananawagan kami sa lahat ng mga makabayan at umiibig sa ating bansa, na sumama sa amin na labanan ang kasamaan na lumikha ng kasulukayang mga pasakit na ito. Samahan niyo kaming ukitin ang isang magandang kinabukasan para sa ating kabataan. Kumilos tayong may pagkakaisa sa mga itinataas ang dangal ng mga tao bilang natatanging nilalang sa wangis ng Diyos, pinagkalooban ng mga hindi-mahiwalay na karapatan sa BUHAY, KASARINLAN, at PAGKAMIT NG TUNAY NA KALIGAYAHAN.
Kasabay ng mga tunay na patriyotiko ng lahat ng mga malalayang bansa, talunin natin ang mga kapangyarihang nais wasakin ang diwa at layunin ng tao upang tumuklas ng Katotohanan, na kung wala nito ay hindi maaaring magkaroon ng Katarungan… walang Kapayapaan… at walang Kaunlaran. Ito ang mga prinsipyong huhubog ng saligan ng isang panibagong pandaigdigang muling pagsilang (a new global renaissance), isang bago at makatarungang pandaigdigang sistemang pang-ekonomiya (a new just economic world order), isang daigdig ng kapayapaan, at kaunlaran para sa lahat. -30- SAVE THE NATION MOVEMENT