BAGAMAT sagana sa programa para magkaroon ng sariling pagkakakitaan ang mga taga Barangay Sangandaan sa Quezon City, salat naman umano sa puhunan para makapag umpisa ng sariling negosyo ang mga taga-barangay, ito ang mariing sinabi ni Kagawad Jose Agustin Maghacot o mas kilala sa pangalang ‘JAM’.
Aminado si kagawad JAM, bilang Committee Chairman on livelihood program, na sagana sa mga livelihood program ang mga taga-barangay dahil na rin umano sa koordinasyon nila sa Vice Mayor at Councilors opis ng lungsod, subalit ang nakakalungkot at naka-panghihinayang hindi rin umano ito napakikinabangan ng mga natuto sa pagsasanay dahil wala itong puhunan para makapagsimula ng maliit na negosyo.
Sa kasalukuyan, hinahanapan ni kag. JAM ng solusyon at pamamamaraan kung pano mabibigyan ng kalutasan ang problema sa barangay, at sa pagdalaw nga natin sa nasabing barangay, nakapagbigay ng suhestiyon ang isa nating kasama sa Media na subukang lumapit sa mga kumpanyang nagkakaloob ng tinatawag na ‘Micro Financing Assistance’.
Natuwa at nagpasalamat si Kag. Jam sa ilang taga Media dahil sa mga suhestiyon at kaalaman na naibahagi sa kanya, at masaya umano siya bagamat ilang buwan pa lamang siya bilang kagawad ng barangay ay may mga tao nang sumusuporta sa kanyang adhikain na makapag- serbisyo ng tapat sa barangay.
Sinabi pa ni JAM na gusto lamang niyang ibalik ang tiwalang ibinigay sa kanya ng kanyang mga kabarangay kung kaya nais din niyang suklian ito ng tapat para naman umano sulit ang ipinagkatiwala nilang boto sa kanya sa panahon ng eleksiyon.
Samantala, ikinalulungkot din ni kag. JAM na marami sa kanyang kabarangay lalo na sa Loans, Insurance, San Roque at Venus st. na pawang nasa ilalim ng tinatawag na ‘high tension wires’ ang apektado at posibleng mapaalis sa kani-kanilang lugar.
Matatandaang magkakaroon ng Memorandum of Agreement(MOA) ang Pamahalaang Lungsod ng QC sa darating na Abril 24, sa pangunguna ni Mayor Herbert Bautista at ang National Grid Corporation sa pangunguna naman ni Chief Executive Officer Henry Sy para sa pagbibigay ng 3 libong (3,000)pabahay doon sa mga residenteng nasa ilalim ng ‘high tension wires’ at pagtibayin ang ugnayan ng prebado at pamahalaang lungsod ng Quezon. (RAFFY RICO/JIMMY CAMBA)